MANILA, Philippines - Bagamat may iniindang injury sa binti, si Juneric Baloria ang lumutang na ACCEL/3XVI NCAA Press Corps Player of the Week.
Pinangunahan ni Baloria ang University of Perpetual Help Altas sa pagkamada ng 21 points, four rebounds, two assists at two steals nang kanilang iginupo ang Arellano University Chiefs, 73-66, nitong Huwebes sa kanilang first round meeting sa Season 89 ng NCAA sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.
Sa panalong iyon natamo ni Baloria ang kanyang injury ngunit hindi ito nakapigil sa kanya para muling magdeliver sa kanilang panalo kontra sa Mapua Cardinals.
“Kahit may injury ako, pinilit ko pa ring maglaro dahil kailangan ako ng team. Kasi, kaya ko pa rin naman eh,†pahayag ni Baloria.
Nakakuha siya ng suporta mula kay Nosa Omorogbe sa laban kontra sa Cardinals nang manguna siya sa pagtatala ng 25 points at 11 rebounds.
Nakakuha ang Altas ng seven points mula kay Baloria sa final period, kabilang ang jumper sa huling 56.5 seconds ng laro upang mapanatili ng Las Piñas-based cagers ang kanilang distansiya sa 73-66.
Nauna rito, ang kanyang triple sa huling 3:43 minuto ng laro ang nagbigay sa Altas ng nine-point lead, 69-60.
Kasalo ngayon ng Altas sa ikalawang puwesto ang defending champion San Beda Red Lions sa 5-1 panalo-talo ngunit hindi nalalayo ang nangungunang Letran na may malinis na 5-0 karta. Nakabuntot ang San Sebastian sa 4-2 karta kasunod ang JRU sa 3-3.