MANILA, Philippines - Tiwala ang pamunuan ng Letran na magkakaroon ng hustisya ang pamamaril sa kanilang manlalaro na si Franz Dysam na nagresulta sa pagkamatay ng kanyang girlfriend na si Joanne Sordan noong Sabado ng gabi.
Hawak na ng mga imbestigador ang CCTV footage na nakakuha sa aktuwal na pangyayari at maaaring magamit para makilala ang mga salarin.
Bukod sa kapulisan ay nangako rin na tutulong ang mga Letran alumni na nasa military para agad na bigyan ng hustisya si Dysam at Sordan.
“Good to see Letran alumni in the military protecting Franz. Gud luck to the perpetrators, Your up against the Letran community,†wika ni athletic director Fr. Vic Calvo sa kanyang official Twitter account.
Pauwi na sina Dysam, Sordan at ang kanilang tatlong buwang sanggol matapos ang laro ng Letran at Lyceum sa NCAA sa The Arena sa San Juan City nang pagbabarilin ng di kilalang mga lalaki na naka-motor habang nasa kanto ng N. Domingo at Araneta Avenue.
Anim na bala ang tumama sa katawan ni Dysam nang akapin nito si Sordan pero may lumusot na isang bala na siyang nagresulta ng dagliang pagkamatay ng kanyang kasintahan. Hindi naman napaano ang sanggol.
Maayos naman ang kalagayan ngayon ng manlalaro na inilipat na ng ospital matapos unang dalhin sa San Juan Medical Center.
“Medical results show that all his vital signs are in good condition. He is scheduled for operation tomorrow to remove four bullets in his body,†wika ng statement ng Letran na hindi na tinukoy ang pinaglipatang ospital para sa kanyang seguridad.
Dumating na rin ang ina ni Dysam mula sa Cebu upang palakasin pa ang morale ng kanyang anak.
“The Letran community is behind Franz in his rally. All assistance, including moral and spiritual, is given him. He is consistently being prayed for especially by the Letran priests.
“Franz is thankful to all who are praying for him and his family, especially to the Letran community who never left him in this trying times,†sabi pa sa statement.