MANILA, Philippines - Kinuha ng It’s June Again ang ikalawang sunod na panalo sa buwan ng Hulyo matapos makitaan ng mas malakas na pagtatapos sa nakasaba-yang Joy Joy Joy sa karera noong Miyerkules ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Nagkasabay ang dalawang kabayo papasok sa huling 100-metro ng 1,200-metro distansyang karera bago napalabas pa ni jockey Fernando Raquel Jr. ang nalalabing lakas para manalo ng isang dipa sa Joy Joy Joy na sakay ni AF Sullano at bandera mula sa pagbukas ng aparato.
Patok ang It’s June Again para maghatid ng P7.50 sa win habang dehado ang Joy Joy Joy upang ang 2-6 forecast ay magpamahagi pa ng P28.50 dibidendo.
Lumutang naman ang husay ng kabayong Flame matapos hiyain ang pitong iba pang nakalaban sa 3-Year Old and Above Maiden Race na pinaglabanan sa 1,400-metro distansya.
Maganda ang tugon ng kabayo sa paggamit ng latigo ni RM Ubaldo nang kargahan ng Flame ang takbo pagpasok sa hu-ling kurbada para manalo ng halos tatlong dipa ang layo sa pumangalawang Shotgun Suzie.
Nadehado pa ang Flame para makapagbigay ng P16.00 dibidendo sa win habang ang 3-4 forecast ay may P81.00 dibidendo.
Ang handlers ng Flame ay nagkamit naman ng P10,000.00 na added prize na ibinigay ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Balik ang pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa gabing ito at may 10 karera ang paglalabanan na inaasahang magbibigay saya sa mga tumatangkilik sa horse racing.