MANILA, Philippines - Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Floyd Mayweather, Jr. na ayaw na niyang labanan si Manny Pacquiao dahil laos na ito.
Ang pahayag ng 36-anyos na si Mayweather ay base na rin sa dalawang sunod na pagkatalo ng 34-anyos na Sarangani Congressman noong nakaraang taon.
Natalo si Pacquiao kay Timothy Bradley, Jr. via split decision noong Hunyo 9 at pinatumba ni Juan Manuel Marquez mula sa isang sixth-round KO noong Disyembre 8 sa kanilang ikaapat na pagtatagpo.
Sa panayam ng Dateline Philippines sa ANC kahapon, sinabi ni Pacquiao na kaya pa niyang manalo.
“Hindi pa ako laos, kaya ko pang magpanalo ng mga laban,†ani Pacquiao.
“Ang pagkatalo ko ay natsambahan lang tayo. Hindi naman ‘yung binugbog tayo... na-lucky punch lang tayo, which is part of the game,†dagdag pa nito.
Idinagdag pa ng Filipino world eight-division champion na hanggang salita lamang ang American five-division titlist.
Tatlong beses bumagsak ang pag-uusap ng mga kampo nina Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) at Mayweather (44-0-0, 26 KOs) dahil sa isyu sa prize money at pagsailalim sa random-style Olympic drug testing.
Huling nagkausap sina Pacquiao at Mayweather noong Pebrero ng 2012 nang hindi kumagat si ‘Pacman’ sa hatiang 40-60 sa premyo.
At hindi na naulit pa ito.