MANILA, Philippines - Siyam na karera ang matutunghayan ngayon sa paglipat ng karera sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Kasama sa itatakbo ay ang 3-YO and Above Maiden race na race five na inilagay din sa 1,400-metro distansya.
Walong kabayo pero pito ang opisyal na bilang ang maglalaban-laban para sa unang puwesto at ang P10,000.00 gantimpala na ibibigay sa mananalong kabayo ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Ang mga maglalaban-laban ay ang Blue Angel, Fly Fox, Flame, Light Of Hope at coupled entry Shotgun Suzie, Loving You Forever, Malipano at Northern Arrow.
Sa mga nagpatalang kabayo na ito, ang Shotgun Suzie, Northern Warrior, Loving You Forever at Fly Fox ay tumakbo noong Hulyo 11 pero minalas na hindi nanalo.
Samantala, ikalawang sunod na panalo sa buwan ng Hulyo ang hanap ng It’s June Again na tatakbo sa class division 3 na pag-lalabanan sa 1,200-metro distansya.
Si Fernando Raquel Jr. ang hinete ng kabayo na makikipagtagisan sa Pleasure Giver, Pink Lady, Kudos, Ikaw Ha Ikaw Ha at Joy Joy Joy.
Isa naman ang Dwin-dwindwin sa mga magsusumikap na pangunahan ang lalahukang karera para makabawi matapos mabigo sa huling laban.
Natalo ang Dwindwindwin sa Oh So Discreet noong Hulyo 5 sa race track na pag-aari ng Metro Turf Club Inc.
Siyam ang makakalaban ng kabayong sasak-yan ni jockey AF Sullano.
Ang iba pang takbo ay binigyan ng balansiyadong handicap para matiyak na lalaban ang mga ito.