Patibayan ang feu at ang NU

MANILA, Philippines - Magpapatibayan ang FEU at National University sa itaas habang ang 5-peat defending champion Ateneo ay aasinta ng ikalawang sunod  na panalo sa pagpapatuloy ng 76th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Solo lider ang Tamaraws sa 4-0 karta ngunit mapapalaban ang bataan ni coach Nash Racela sa Bulldogs na kapos ng isang laro para malagay sa ikalawang puwesto kasama ang pa-hingang UST sa 3-1 record.

Galing ang dalawang teams sa panalo matapos lapain ng NU ang UP, 74-60, habang nangibabaw sa overtime ang FEU sa La Salle, 83-79.

Kampante ang first year FEU coach na si Nash Racela na kaya nang tumayo ang kanyang mga alipores sa matitinding hamon matapos ang laro sa Archers na kung saan bumangon ang Tamaraws mula sa 13-puntos na pagkakalubog sa regulation.

“The win says a lot on the character of the team,” pahayag ni Racela.

Ang Bulldogs ay mayroong ipinagmamalaking Bobby Parks Jr. at Emmanuel Mbe pero panapat ng FEU sina Terrence Romeo at RR Garcia.

Ngunit mas malalim ang bench ng Tamaraws dahil puwede pa nilang hugutin ang mga tulad nina Michael Tolomia, Mark Belo, Roger Pogoy at Anthony Hargrove.

Lasapin ang unang back-to-back wins ang nais ng Blue Eagles sa pagsukat sa UE sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon.

Tinapos ng tropa ni coach Bo Perasol ang tatlong dikit na pagkatalo sa pamamagitan ng 71-59 tagumpay sa Adamson.

Sina Juami Tiongson, Nico Elorde at Ryan Buenafe ay aasahan uli ngunit ang hanap ni Perasol ay ang patuloy na pagbabalik sa tunay na porma ni Kiefer Ravena at ni 6’7” center JP Erram.

Sa dalawang ito, si Erram ang kanyang sasandalan dahil babalik na sa Warriors si 6’8” Charles Mammie matapos ang one-game suspension.

 

Show comments