NSAs dapat tumulong para maibangon ang Phl. sports - Garcia

MANILA, Philippines - Kailangang mag-isip-isip ang mga National Sports Associations sa kanilang dapat gawin para maibangon ang sport ng Pilipinas.

Ito ang sinabi ni PSC chairman Ricardo Garcia matapos makasama ng Pambansang delegasyon na naglaro sa Asian Indoor & Martial Arts Games sa Incheon, Korea.

Isang ginto at dalawang bronze medals ang napanalunan ng Pilipinas at ang ginto ay hatid ng mga mananayaw na sina Gerald Jamili at Cherry Clarice Parcon  sa Latin Jive sa dancesports.

“Personally, I thought we could have won more medals. But with forty athletes and winning a gold and three bronze medals, I’m happy,” wika ni Garcia na humarap sa mga mamamahayag kahapon.

Ngunit hindi ito na-ngangahulugan na kontento siya dahil nababahala siya sa layo na ng agwat na atleta ng bansa sa mga katapat sa South East Asian countries.

“Naiiwan na tayo. Kung di pa sila natatauhan, bugbog tayo sa SEA Games,” dagdag ni Garcia.

Nagsabi na ang PSC at POC na magpapadala lamang ng maliit na bilang ng delegasyon sa Myanmar SEA Games.

Sa ngayon ay may 241  kabuuang bilang na naipasok ng Task Force na binubuo ng 180 atleta at 61 officials.

Pero hindi pa kasama rito ang football, badminton at shooting habang ang swimming na mayroon lamang  pitong slot, ay posibleng madagdagan pa.

“Marami tayong dapat gawin at ang una ay ang focus ng mga atleta sa kanilang pagsasanay. Ang mga NSAs ay dapat ding tiyakin na ang mga ipadadala nila sa SEA Games ay mga handang-handa. Sa mga susunod na linggo ay maraming pagpupulong ang mangyayari at kasama na rito ang one-on-one sa mga NSAs para i-justify ang kanilang mga atleta,” dagdag ni Garcia.

Muli ring iginiit ni Garcia ang paniniwalang pangpito ang kalalagyan ng Pambansang dele-gasyon sa standing at mauunahan pa ng Myanmar dahil sa nabawasan ng mga larong malakas ang bansa habang nadagdagan ang mga larong pabor sa host country.

 

Show comments