Gilas Pilipinas pa-New Zealand ngayon

MANILA, Philippines - Nakatakdang magtungo ngayong hapon ang Gilas Pilipinas sa New Zealand para sa isang 10-day training sa kanilang huling pagsasanay para sa darating na 27th FIBA-Asia Men’s Championships.

Anim na laro ang gagawin ng Phl training pool sa New Zealand kung saan inaasahan ni coach Chot Reyes na makukuha ng koponan ang pamatay na porma bago ang Asian meet na nakatakda sa Agosto 1-11 sa MOA Arena sa Pasay at sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila.

Haharapin ng tropa ang Hawkes Bay Hawks sa Biyernes at Sabado at sasagupain ang NBL All Stars sa Linggo kasunod ang Wellington Saints sa Hulyo 16, ang Auckland Rangers sa Hulyo 17 at ang Tall Blacks (New Zealand national team) sa Hulyo 18.

Ang bonus sa kanilang six-game series ay isang five-day clinic sa ilalim ni coach Tab Baldwin.

Si Baldwin, ang bench tactician na gumiya sa New Zealand sa semifinal finish sa 2002 world championships, ang tumulong sa Lebanon sa paghahari sa 2010 FIBA Asia Stankovic Cup at binanderahan ang Jordan sa second-place finish sa 2011 FIBA Asia Championships sa Wuhan, China.

Sa ikatlong araw ng kanilang New Zealand training, ihahayag ni Reyes ang mga pangalan ng Final 12 na lalaban para sa tiket patungong FIBA World Cup sa Spain sa 2014.

Ang 13 training pool members na magtutungo sa New Zealand ang sinasabing pagmumulan ng Final 12 ni Reyes.

Ang 13 ay sina Marcus Douthit, Junmar Fajardo, Japeth Aguilar, Beau Belga, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, guards Jayson Castro, LA Tenorio, Jimmy Alapag, Gary David, Larry Fonacier, Jeff Chan at Gabe Norwood.

Sila ang ‘Lucky 13’ na sumailalim sa training camp sa Lithuania.

 

Show comments