MANILA, Philippines - Bumalik ang sigla ng Don Albertini sa pagdiskarte uli ng ace jockey Jonathan Hernandez nang pagharian ang karerang tinakbuhan noong Sabado sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Galing sa mahinang pang-siyam na puwesto sa 2nd leg ng Philracom Triple Crown matapos diskartehan ni LD Cuadra Jr., bumangon ang Don Albertini sa di magandang naipakita sa karerang pinaglabanan noong Hunyo 15 nang pangunahan ang 1,200-metrong karera mula buksan ang aparato.
Napalaban naman ang outstanding favorite sa anim na kabayong karera dahil nagsalitan sa pagsukat sa katatagan ng Don Albertini ang Humble Golden Rule at Humble Submission pero hindi umubra ang kanilang hamon.
Dikitan ang Don Albertini at Golden Rule na hawak ni Val Dilema sa pagsisimula ng karera hanggang sa huilng 400-metro nang naubos ang huli.
Pumasok sa balya ang Humble Submission na sakay ngayon ni Cuadra pero humataw ang kabayo ni Hernandez sa huling 100-metro tungo sa halos tatlong dipang panalo.
Balik-taya na P5 ang dibidendo sa win habang ang liyamadong 4-2 sa kumbinasyon sa forecast ay may P11.50 na ipinamahagi.
Hindi nagpahuli ang kabayong Final Judgement na pinangatawanan din ang pagiging outstanding sa race four na inilagay sa 1,000-metro distansya.
Sakay ni JB Cordova, banderang-tapos din ang kinuhang panalo ng nasabing kabayo para kunin ang unang panalo sa buwan ng Hulyo pero ikatlong tagumpay sa huling apat na salang sa race track.
Ang Leikey’s Way na hawak ni Mark Alvarez ang pumangalawa para sa liyamadong kumbinasyon pa rin dahil ang forecast na 4-2 ay mayroong P16.00 dibidendo habang ang win ay may P5.00 dibidendo.
Si Esteban De Vera ang hineteng nagpasikat nang naipanalo ang Touch Of Gold sa race 9 na siyang longshot sa araw na ito.
Ang Field Runner ang siyang pinaboran sa class division 1 race sa 1,000-metro distansya pero hindi nakasabay ito para pumangatlo lamang sa datingan.
Pumangalawa ang kabayo ni Jessie Guce na Conqueror at ang 4-8 forecast ay mayroong P187.50 dibidendo matapos maghatid ng P43.00 ang win.
Nakabawi naman si Guce sa pagka-talong ito nang maihatid sa panalo ang In Principle sa huling karera (race 12).
Napaboran din ang In Principle matapos maghatid ng P9.00 dibidendo sa win habang ang 5-10 forecast ay mayroong P49.50 na ibinigay.