Maganda ang salubong ni Utalla sa Erica’s Champ
MANILA, Philippines - Magandang pagsalubong ang ibinigay ni apprentice jockey WC Utalla sa kabayong Erica’s Champ nang magwagi ito sa karerang ginawa noong Miyerkules ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Namumuro nang manalo ang nasabing kabayo matapos ang magandang takbo nito sa pagdadala ni SC Lim at hindi naman binigo ni Utalla ang mga nananalig sa husay ng Erica’s Champ na dinomina ang class division 1-C at pinag-labanan sa 1,100-metro.
Napagtiyagaan ni Utalla na itulak-tulak pa ang kabayo sa huling 100-metro para maisan-tabi ang hamon ng tatlong kabayo na kasabayan sa datingan.
May dalawang dipa na nanalo ang Erica’s Champ habang nakaremate pa ang Banay Banay na hawak ni RC Landayan para magsaya ang mga dehadista na sumuporta sa karera na isinagawa sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc.
Ang win ay nagpamahagi ng P22.00 dibidendo habang ang 10-4 forecast ay may P217.50 sa bawat limang pisong taya.
Nasilayan din ang husay ng kabayong Extra Ordinary matapos ang malakas na pagremate sa huling 10-metro para manalo sa matinding hamon na ibinigay ng Purple Ribbon.
Lamang ang kabayong hawak ni RR Camañero mula sa simula hanggang sa punto na bumuhos pa ang Extra Ordinary upang malagay sa ikalawang sunod na segundo puwestong pagtatapos.
Si Jordan Cordova ang hinete ng Extra Ordinary na binalewala ang ipinataw na pinakamabigat na handicap weight na 57 kilos para makapagbigay ng P37.00 sa win at P24.50 sa 2-1 forecast.
- Latest