AMMAN, Jordan – Umiskor ng magkasunod na panalo si Rey Saludar para pangunahan ang kampanya ng Pilipinas sa 27th Asian Elite Men’s Championships sa Amman Boxing Arena.
Tinalo ng 25-anyos na Asian Games gold medalist na si Saludar si Ilyas Suleimenov ng Kazakhstan para sa kanyang ikalawang sunod na tagumpay.
Si Suleimenov ang tumalo sa kanya sa Incheon, South Korea noong 2011 at inangkin ang silver medal sa naturang torneo na siyang qualifying event para sa 2012 London Olympics.
Siya rin ay isang two-time national champion ng Kazakhstan.
Ngunit determinado si Saludar na makabawi sa Kazakhs.
Kumolekta si Saludar ng mga hooks at straights para biguin si Suleimenov sa kanilang pangalawang pagkikita.
Sa bagong AIBA ten-points must system, tatlo lamang sa limang judges ang kukuhanan ng puntos para sa laban. Ang computer ang pipili ng tatlong judges na magdedetermina sa mananalo.
Dalawang judges ang nagbigay kay Saludar ng 29-28, habang ang isa ay pumanig kay Suleimenov, 29-28.
Susunod na makakatapat ng Army man si Tanes Ongjunta ng Thailand na tumalo kay Saudi Arabia boxer Samer Humaidi.
Nakatakda namang labanan ni Rogen Ladon si Hasan Naser ng Iraq.