Gilas sa New Zealand naman magsasanay

MANILA, Philippines - Matapos sa Lithuania, magtutungo naman ang Gilas Pilipinas sa New Zealand sa Hulyo 9 para sa kanilang 10-day training trip bilang paghahanda sa FIBA-Asia Championships.

Kaagad na mag-eensayo ang Gilas II sa Napier, New Zealand sa Hulyo 10 para sa isang five-day training camp sa ilalim ni Tab Baldwin, dating gumiya sa Lebanon at Jordan national team.

Sa naturang kampo makakaharap ng Gilas II ang mga koponan ng National Basketball League sa Hulyo 12, 13 at 14.

“It will be a tiring camp for the team. In the days where there will be no games, we will have twice-a-day practice. For the game days, it will be practice in the morning, game in the evening,” sabi ni coach Chot Reyes noong Lunes matapos ang kanilang team practice.

“We hope to simulate the game conditions that we will encounter in the FIBA-Asia Championships. Only 30 days left and we will be facing the biggest challenge of our lives,” dagdag pa nito.

Bibiyahe ang Gilas II sa Wellington sa Hulyo 15 kung saan nila makakasagupa ang Wellington Saints, ang 2010 & 2011 NBL Champion at 2012 NBL finalist, sa Hulyo 16.

Matapos ang laro, magtutungo ang koponan sa Auckland para sagupain ang isa pang NBL team sa Hulyo 17 kasunod ang pagharap sa FIBA-ranked New Zealand national team sa Hulyo 18.

Magbabalik sa bansa ang Gilas sa Hulyo 19.

Ang Gilas II ay kinabibilangan nina naturalized player Marcus Douthit, Jayson Castro, Jimmy Alapag, Larry Fonacier, Ranidel De Ocampo, Ryan Reyes, Gary David, Gabe Norwood, June Mar Fajardo, Jeff Chan, Marc Pingris at Beau Belga.

Sa Lithuania ay sumabak ang Nationals sa isang seven-game friendly series kontra sa mga Lithuanian ballclubs.

Lalabanan naman ng Gilas ang Kazakhstan, mamandohan ni Italian mentor Matteo Boniciolli, sa isang tune-up game sa Hulyo 26 sa Smart Araneta Coliseum. Makakalaban din nila ang isang PBA Selection team sa July 24 sa MOA Arena.

Ang Kazakhstan ay kasama ng India, Bahrain at Thailand sa Group D ng FIBA-Asia Men’s Championships.

Kabilang ang Gilas sa Group A kasama ang Taiwan, Saudi Arabia at Jordan.

Show comments