MANILA, Philippines - Nakahablot din ng panalo ang Foreign Minister para pangatawanan ang pagiging patok sa nilahukang karera noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Christian Garganta ang hinete uli ng kabayo na tumapos sa ikalawang puwesto noong Hunyo 18 sa isang class division 1-A sa 1,100-metro distansya.
Sa nasabing class division pa rin ginawa ang tagisan sa mas mahabang 1,200-metro at hindi naubos ang Foreign Minister para manalo sa 11 kaba-yong naglaban.
Pinabayaan lamang ng tambalan ang maagang pamamayagpag ng On Your Knees bago kinuha ang kalamangan sa huling 200-metro ng karera.
Naubos ang dating nasa unahan na kabayong ginabayan ni JB Cordova dahil ang Dynamic Love pa ang pumangalawa sa datingan.
Halagang P6.50 ang dibidendo sa win habang ang 6-10 forecast ay may P36.50 na ipinamahagi.
Isa pang nagpasiklab bilang liyamadong kabayo ay ang Oroquie-ta na hawak ni Jeff Zarate at nakabangon ang kabayo sa pang-anim na puwestong pagkakalapag noong Hunyo 23.
Si JB Cordero ang da-ting hinete ng Oroquieta pero napalitan ni Zarate sa nasabing karera at ang pagpapalit ay naging positibo dahil sa nakuhang panalo.
Banderang-tapos ang ginawa ng Oroquieta at nakapagtala ang outstanding favorite ng halos tatlong dipang agwat sa rumemateng Lakewood na ginabayan ni Jessie Guce.
Nasa P6.50 din ang ibinigay sa win at dahil liyamado rin ang sumegundo kaya’t ang 5-9 forecast ay mayroong P17.00 dibidendo.