MANILA, Philippines - Maganda ang kondisyon ng kabayong Inamorata para makabangon mula sa tila panlalamig sa kalagitnaan ng karera para masama sa mga nanalo sa isinagawang pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Martes ng gabi.
Si John Alvin Guce ang sumakay uli sa nasabing kabayo na nakuha uli ang tikas para manalo pa kahit nalagay sa ikatlong puwesto sa pagpasok sa rekta sa 1,300-metro karera na NGH-3YO Handicap Race (2).
Paborito ang Inamorata at malakas ang alis nito sa aparato habang naghabol ang Rock Star ni Gilbert Mejico at Pinoy Worldclass ni Fernando Raquel Jr.
Ngunit sa backstretch ay bumagal ang Inamorata para makauna ang Rock Star at Pinoy Worldclass at nakalayo pa ang dalawa ng halos apat na dipa.
Sa pagpasok sa huling kurbada ay nagsimula uling uminit ang takbo ng paborito sa karera upang tuhugin ang Rock Star bago isinunod ang Pinoy Worldclass na nakontento sa ikalawang puwesto halos dalawang dipa ang layo sa meta.
May 1:24.6 tiyempo ang Inamorata para ma-kabawi ang kabayo mula sa pangalawang puwestong pagtatapos noong Hunyo 19 sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Ang win ay nagpamahagi ng P11.50 dibidendo habang nasa P21.50 ang 3-4 forecast.
Nakapanggulat naman si apprentice jockey RC Tabor nang maipanalo bilang long shot ang Topnotcher habang si Christian Garganta ang lumabas bilang pinakamahusay na hinete sa unang gabi sa anim na araw na pista.
Ikalawang sunod na panalo ang nakuha ng Topnotcher matapos higitan ang hamon ng dehado ring Dugo’s Fantasy ni JB Bacaycay.
Ang My Cup Of Tea ang patok sa karera matapos ang dalawang sunod na pangalawang puwestong pagtatapos pero wala sa porma ang kabayong sakay ni Russel Telles at nalagay lamang sa ikatlong puwesto.
Pumalo sa P37.50 ang win habang nasa P297.50 ang 9-10 forecast.
Si Garganta ay kumubra ng dalawang panalo sa mga kabayong Zehn Zap sa race one at Flo Jo sa race 3.
Unang takbo ito ng Zehn Zap sa buwan ng Hunyo pero handa ang tambalan sa laban upang madugtungan ang panalong naiukit noong Mayo 29 nang daigin ang Tige–rous Sword at nakuha ng tambalan ang pangala-wang dikit na panalo.
Bumawi naman ang Flo Jo sa pang-apat na pagtatapos noong Hunyo 1 matapos manaig sa Madame Dixie.
Ang mga kabayong tinalo ni Garganta ay mga hawak ni jockey Mark Alvarez.
Parehong naghatid ng P16.00 dibidendo ang win ng Zehn Zap at Flo Jo habang ang 9-3 forecast sa race 1 ay may P64.00 dibidendo at P166.00 ang ibinigay sa 11-7 forecast sa race three.