Saudi ang unang kalaban ng Gilas

MANILA, Philippines - Ang Saudi Arabia ang pinakamahinang koponan sa Group A na kinabibilangan ng Gilas Pilipinas II, Jordan at Chinese-Taipei sa darating na 27th FIBA-Asia Men’s Championships na nakatakda sa Agosto 1-11 at idaraos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City at sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila.

Saudi Arabia ang magiging unang kalaban ng Gilas II sa Agosto 1 sa ganap na alas-8:30 ng gabi sa MOA Arena na siyang magtatampok sa eight-game schedule ng nasabing regional world qualifier.

Ang lahat ng laro ng Nationals ay idaraos sa MOA Arena tuwing alas-8:30 ng gabi.

Ito ang unang pagsabak ng Saudi Arabia sa FIBA-Asia Championship makaraan lumahok noong 2005 edition kung saan sila tumapos bilang No. 8.

Lumahok ang Gulf team sa pitong Asian meet at ang kanilang pinakamagandang kampanya ay bilang No. 3 sa Japan noong 1999.

Pumuwesto sila bilang pang-pito sa FIBA-Asia meet noong 1989, pang- siyam noong 1991, ikaa-nim noong 1993 at 1995 at pang-apat noong 1997.

Matapos ang Saudi Arabia ay haharapin naman ng Gilas II ang Jordan sa Agosto 2 kasunod ang Chinese Taipei sa Agosto 3 sa pagtatapos ng first round sa MOA Arena.

Sa inaasahang pag-abante ng Nationals sa second round ay makakalaban nila ang top three teams galing sa Group B na kinabibilangan ng Lebanon, Qatar, Japan at Hong Kong.

Maglalaban naman ang China at ang South Korea sa alas-5:45 ng hapon sa Agosto 1 matapos ang laro ng Iran at Malaysia sa alas-11 ng umaga, ang banggaan ng Jordan at Chinese Taipei sa ala-1:15 ng hapon at ang labanan ng Japan at Qatar sa alas-3:30.

Sa huling laro sa alas-10:30 ng gabi ay magsasagupa ang Lebanon at Hong Kong.

Sa Ninoy Aquino Stadium magtutuos ang Kazakhstan at ang Thailand sa alas-6 ng gabi kasunod ang laro ng India at Bahrain sa alas-8:30.

Nasa Group C ang China, South Korea, Iran at Malaysia at kasama sa Group D ang Kazakhstan, Thailand, India at Bahrain.

Ang top four teams mula sa A-B bracket at ang top four squads buhat sa C-D bracket ay maghaharap sa crossover quarterfinals sa pagsisimula ng knockout stage.

Show comments