I Will Survive nakaligtas sa Gracious Host

MANILA, Philippines -  Nalampasan ng kabayong I Will Survive ang matinding paghabol ng Gracious Host para manalo sa mahigpitang karera na nangyari noong Huwebes ng gabi sa Malvar, Batangas.

Ang apprentice jockey na si RM Ubaldo ang dumiskarte sa nanalong kabayo sa class division 1-C na inilagay sa 1,200-metro distansya nang kunin ang karera sa 1:14.8 tiyempo sa kuwartos na 25, 23, 26’.

Dominado ng I Will Survive ang limang kabayong karera nang lumayo agad ng halos limang dipang agwat sa mga katunggali pero hindi bumigay ang Gracious Host na ginabayan ni El Blancaflor.

Buo ang loob ng hinete sa kakayahan ng Gracious Host nang humarurot ito para maging dikitan ang labanan sa huling 10-metro.

Bahagyang nakalamang pa ng isang ulo ang rumeremateng kabayo pero nakabawi pa ang nasa balyang I Will Survive para manalo matapos unang nailusot ang ilong nito.

Dehado pa ang I Will Survive na naghatid ng P26.50 dibidendo sa win habang P57.50 ang ibinigay sa 2-1 forecast.

Isa ring karerang nauwi sa kapanapanabik na pagtatapos ay nangyari sa race four na class division 1A race sa 1,200-metro distansya at nilahukan ng walong kabayo.

Ang Newsmaker at Che And Ryan ang naunang naglaban mula sa pagbukas ng aparato pero sa far turn ay umangat na ang una na sakay ni Christian Garganta.

Ngunit pumaling sa kanan ang Newsmaker papasok sa rekta na nagresulta para maka-singit ang naghahabol na Intramuros ni Fernando Raquel Jr.

Show comments