Milo Marathon champions ipapadala sa Paris

MANILA, Philippines - Pagtitibayin pa ng National Milo Marathon ang pagiging pinakamagarbong marathon sa bansa sa gagawing pagpapadala sa mga mangungunang local runners sa Paris Marathon.

Sa pulong pambalitaan kahapon na ginawa sa Bayview Park Hotel sa Roxas Boulevard, inanunsyo ni Andrew Neri, ang MILO Sports Executive, ang dagdag insentibo na bukas lamang sa mga Filipino runners.

Ang marathon ay nilalahukan din ng mga banyagang runners para sa Open division dahil ang patakbong nasa ika-37th taon na ay may basbas ng Association of Athletics Federation (AAF) at Association of International Marathons (AIMS).

Ang premyo sa marathon ay P300,000.00 para sa kampeon sa Open at P150,000.00 para sa Local sa kalalakihan at kababaihan.

“Our top male and female marathoners in the National Finals will have the privilege of competing in the Paris Marathon. We earlier decided to send them to the prestigious Boston Marathon but after the incident last year, we decided to send them to Paris where Nestle Philippines will be taking care of their plane fares, accommodation and entry fee,” wika ni Neri.

Dekada 80s pa ay nagpapadala na ang Milo Marathon ng kanilang kampeon sa Boston Marathon pero natigil dahil sa gastos.

“Tamang-tama rin ang Paris Marathon dahil Abril ito ginagawa at magkakaroon ng pagkakataon ang mga mangungunang marathoners ng bansa na makapagpahinga at mapaghandaan ang karera,” pahayag pa ni race director Rio dela Cruz.

Ang National Finals ay itinakda sa Disyembre 8 sa Mall of Asia Grounds sa Pasay City at ang nagdedepensang kampeon sa local division ay sina National athletes Eduardo Buenavista at Mary Grace de los Santos.

Pero alanganin pa ang pagsali ng dalawa dahil sa Myanmar SEA Games na itinakda sa Disyembre 11 hanggang 22 na kung saan ang marathon ay isang event sa athletics.

Dahil dito, kumbinsido ang nagpapatakbo na may mga bagong mukhang lalabas na manggagaling sa 17 regional qualifying races na gagawin.

Sa Hunyo 30 magsisimula ang edisyon sa Puerto Princesa,  Lipa (Hulyo 7), habang ang iba pang bibisitahin ay ang Naga (Hulyo 14), San Pablo, Laguna (Hulyo 21), Metro Manila (Hulyo 28), Iloilo (Agosto 4), Dumaguete (Agosto 11), Tagbilaran (Setyembre 15, Cebu (Setyembre 22), Cagayan de Oro (Setyembre 29), Butuan (Oktubre 6), Davao (Oktubre 13), General Santos City (Oktubre 20), Baguio (Nobyembre 3), Dagupan (Nobyembre 10), Tarlac (Nobyembre 17) at Angeles (Nobyembre 24).

Tiniyak din ni Dela Cruz ang maigting na seguridad upang mapangalagaan ang mga sasali sa pagpapakalat ng mga K9 dogs bukod pa sa pagkakaroon ng kasapi ng SWAT para tumulong sa Kapulisan na magbabantay sa rutang tatahakin.

 

Show comments