Green record holder na sa NBA Finals

SAN ANTONIO -- Hindi pa hinog si Danny Green para makasama ng matagal sa Cleveland Cavaliers noon si LeBron James.

Ngayon ay isa na siyang NBA Finals record-holder at ang dahilan sa posibleng kabiguan ni James na makamit ang kanyang ikalawang sunod na NBA title.

Nagtala ng NBA Finals mark na 25 three-pointers, tumapos si Green na may 24 points mula sa kanyang 6-of-10 shooting sa 3-point range sa panalo ng San Antonio Spurs kontra sa Miami Heat, sa Game 5.

Hindi nagtagal ang pagsasama nina Green at James sa Cleveland tatlong taon na ang nakararaan.

Si Green ngayon ang pinakamahusay na 3-point shooter sa NBA Finals.

“It seems everything is going right for me. I feel truly blessed,’’ sabi ni Green. “The basketball gods are in our favor right now.’’

Kumonekta si Green ng 25-for-38 shooting sa 3-point line sa NBA Finals series.

Nagsasalpak siya ng tatlo hanggang apat na tres laban sa Miami.

Inilista ni Green ang bagong marka habang nakabantayan si Heat guard Ray Allen, nagposte ng record na 22 3-pointers noong 2008 habang naglalaro para sa Boston Celtics. Kumonekta si Allen ng 11 3-pointers kontra sa Spurs.

 

Show comments