MANILA, Philippines - Maisasama na ang kabayong Jazz Connection sa mga kabayong tatakbo sa ikatlo at huling yugto ng 2013 Philracom Triple Crown Championships sa susunod na buwan.
Mangyayari ito matapos dominahin ng kabayong sakay ni John Paul Guce ang pinaglabanang Hopeful Stakes race noong Sabado sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ikatlong sunod na pagdiskarte ito ni Guce sa nasabing kabayo at pinawi ng hinete ang magkasunod na segundo puwestong pagtatapos na nailista noong Mayo 28 at Hunyo 5 na parehong pinag-labanan sa 1,600-metro distansya.
Umabot sa 14 kabayo ang sumali, kasama ang isang coupled entry at kondisyon ang Jazz Connection dahil ang karera ay pinaglabanan sa mas malayong 1,800-metro distansya.
Naghabol pa ang Jazz Connection sa karera na unang dinomina ng Sharp Shooter na hawak ni Mark Alvarez.
Tila mananalo pa ang Sharp Shooter dahil alagwa ito ng halos tatlong dipa sa pumapangalawang Daragang Magayon habang rumeremate pa lang ang Jazz Connection sa pagpasok ng rekta.
Pero malakas ang kayod ng Jazz Connection habang ubos na ang Sharp Shooter para makuha ang panalo.
Pumangatlo ang Jazz Connection sa unang leg ng Hopeful Stakes noong Mayo 18 sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas at naorasan ito ng 1:56.2 sa kuwartos na 13, 23’, 24’, 25 at 29’.
May lahing Jazz Club at Eastern Connection, ang panalo ay nagresulta upang maibulsa ng connections ng kabayo ang P600,000.00 unang gantimpala mula sa pinaglabanang P1 mil-yon na inilagay ng nagpapakarerang Philippine Racing Commission.
May pakonsuwelong P225,000.00 ang Sharp Shooter na nalagay sa ikawalong puwesto sa unang yugto ng karera habang ang Santino’s Best at Big Boy Vito ang kumuha sa ikatlo at ikaapat na puwesto para angkinin din ang P125,000.00 at P50,000.00 premyo.
Nadehado pa sa bentahan ang Jazz Connection para makapagpasok ng P30.00 dibidendo sa win habang ang 11-1 forecast ay may P153.00 na ibinigay.
Ang tampok na karera sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc., ay ang 2nd leg ng Triple Crown at muntik winalis ni Guce ang dalawang stakes races na pinaglabanan kung di lamang kinapos ang Borjkahlifa at natalo sa Spinning Ridge na ginabayan ni John Alvin Guce.