Spinning Ridge nagbida sa 2nd leg ng Triple Crown

MANILA, Philippines - Inangkin ng Spinning Ridge ang ikalawang yugto ng 2013 Philracom Triple Crown Championship kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Hindi bumigay ang kabayo na dala ni John Alvin Guce sa hamon na hatid ng Borjkahlifa sa huling 50-metro sa 1,800-metro karera para manalo ng isang ulo ang pagitan.

Ito ang pinakamalaking panalo ng Spinning Ridge at naibulsa ng SC Stockfarm Inc. ang P1.8 milyong unang gantimpala.

May tiyempong 1:55.6 ang Spinning Ridge sa kuwartos na 13, 23’, 25, 25’ at 28’.

Ang Spinning Ridge din ang ikalawang dehadong na­nalo sa Triple Crown ngayong taon matapos makapanggulat ang Divine Eagle sa unang yugto.

Hindi nakasali ang nasabing kabayo dahil sa injury sa paa.

Ang Hot And Spicy ang siyang napaboran matapos malagay sa ikalawang puwesto sa first leg pero tila napagod ang kabayong sakay ni Jeff Zarate matapos ang maagang pamamayagpag sa unang mga yugto ng karera.

Ang El Libertador ang second choice pero sa ikala­wang sunod na takbo sa prestihiyosong karera para sa mga kabayong edad tatlong taon gulang ay hindi tumimbang ang kabayo.

Una agad ang Hot And Spicy bago nakasunod ang Sky Dragon at Captain Ball habang nasa ikatlong grupo ang Spinning Ridge.

Sa huling 100-metro kumalas ang Spinning Ridge na may lahing Quaker Ridge at Humble Beginnings at Borjkahlifa.

Pumangatlo ang Boss Jaden na sakay ni JB Bacaycay, habang ang Hot And Spicy ang kumumpleto sa da­tingan.

May P675,000.00 ang pumangalawang kabayo na pag-aari ni Hermie Esguerra at sakay ni JPA Guce, habang P375,000.00 at P150,000.00 ang premyo ng Boss Jaden at Hot And Spicy.

Kumabig din ang mga karerista na nanalig sa kaka­yahan ng Spinning Ridge dahil nagbigay pa ng P72.00 sa win, habang ang 7-3 forecast ay mayroong P749.00 dibidendo.

 

Show comments