Pinoy global runner Guarin tapos na sa Middle East leg

MANILA, Philippines -  Nakabalik na ng bansa ang kauna-unahang Filipino global runner na si Cesar Guarin mula sa kanyang matagumpay na Middle East run.

Bilang pagtupad sa kanyang mithiin na maging kauna-unahang Pinoy at Asyano na kukumpleto ng isang global ultramarathon, tumagal ang Middle East leg na ito ng 30 araw mula April 15 hanggang May 17 para sa kabuuang 932 kilometro.

Anim na bansa ang bahagi ng ikapitong yugto ng kanyang glo-bal run kabilang ang Bahrain, Qatar, Kuwait, Saudi Arabia, Oman at United Arab Emirates.

Suportado ng GMA International, ang international arm ng nangu-ngunang broadcast company sa bansa na GMA Network, ang beteranong distance runner at ang kanyang grupong The Global Run simula pa sa kanyang Australian leg noong 2012 at ngayon  sa Middle East leg.

Matinding pagsubok ang hinarap ni Guarin sa Middle East dahil sa sobrang init at mahabang distansiya na tinahak nito. Ayon kay Guarin, ang kanyang pagtakbo sa mabundok na rehiyon ng Oman ang pinaka-mahirap sa lahat, habang ang UAE naman ang pinakamahaba.

Binisita rin ni Guarin kasama sina Joon Malicse, project head at consultant ng The Global Run at Lester Fernandez, dating handler ni Guarin, ang Philippine Embassy ng bawat bansa kung saan mainit silang sinalubong ng mga lokal na opisyal at mga kapwa Pinoy.

Nakatakdang harapin ni Guarin ang susunod na bahagi ng kaniyang Global Run – ang 2,500 km solo run sa North America, kabilang ang Alaska, Vancouver at ilang siyudad sa West Coast na tatagal mula Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon.

Nasa likod pa rin ni Guarin ang GMA International sa pagpapa-tuloy ng kaniyang mithiin na mapabilang sa hanay ng iilan lamang  na global runners sa buong mundo.

 

Show comments