Saudi Arabia inaasahang pipiliin ng Gilas II para sa unang laro sa FIBA-Asia tourney

MANILA, Philippines - Posibleng piliin ng Gilas Pilipinas II na labanan ang Saudi Arabia para sa ka­nilang unang laro sa 27th FIBA-Asia Men’s Championships na naka­takda sa Agosto 1-11 at lalaruin sa MOA Arena sa Pasay at sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila.

Bilang host country, may pribilehiyo ang Gilas II na mamili ng kanilang gustong unang makaharap sa preliminary-round grouping.

Inaasahang pipiliin ni coach Chot Reyes ang Sau­di Arabia para sa isang warm-up game ba­go labanan ang mas ma­bibigat na Chinese-Taipei at Jordan quintets.

Ang Saudi Arabia ang lowest-ranked team sa Group A kung saan ito ang kanilang magiging unang paglahok sa FIBA-Asia Men’s Championship matapos noong 2005 kung saan sila nagtapos bi­lang No. 8.

Pitong beses lamang na­kapaglaro ang Gulf team sa naturang torneo at ang kanilang pinakama­taas na nakuha ay ang pa­gi­ging No. 3 noong 1999 sa Japan.

Tumapos sila bilang No. 7 sa FIBA-Asia tour­nament noong 1989, No. 9 noong 1991, No. 6 no­ong 1993 at 1995 bago na­kapasok sa semis at na­ging No. 4 noong1997.

Sa 53 beses nilang pag­lalaro, 28 lamang ang nai­panalo ng Saudi Arabia kumpara sa 122-65 win-loss mark ng Pilipinas.

Ang top three teams sa Group A ang aabante sa second round katapat ang top three mula sa Group B na binubuo ng Japan, Le­banon, Qatar at Hong Kong.

 

Show comments