MANILA, Philippines - Nangangamba na makansela ang pagtakbo ng PCSO Silver Cup at second leg ng 2013 Philracom Triple Crown dahil sa pagdedeklara ng racing holiday ng tatlong malalaking grupo ng horse owners.
Ang Silver Cup ay lalarga sa Linggo, Hunyo 9, habang sa Hunyo 15 naman ang takbo ng 2nd Leg ng Triple Crown na parehong gagawin sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa pulong pambalitaan na ginawa ng MARHO, Philtobo at Klub Don Juan de Manila noong Lunes ng gabi sa Club Filipino sa San Juan City, sinabi nilang walang magdedeklara sa kanilang hanay ng mga lahok para sa dalawang malalaking stakes races bilang bahagi ng kanilang aksyon na pansinin ng Palasyo ang karaingan laban sa Philippine Racing Commission (Philracom).
“Nandito lahat ng mga horse owners na magtatakbo sa Silver Cup at Triple Crown. Pero handa kaming lahat na magsakripisyo at nagkakaisa na i-postpone ang pagtakbo ng dalawang karerang ito,†wika ni MARHO president Eric Tagle na sinamahan nina Philtobo president Bienvenido Niles Jr. at KDJM president Tony Eleazar.
Nag-aaklas uli ang malalaking horse owners dahil sa patuloy na di pagkilos ng Philracom sa pangunguna ni chairman Angel Castano Jr. sa kahilingan na alisin ang 3 percent na ibinabawas sa kanilang premyong napapanalunan at inilalagay sa Trainers Fund.
Sinabi ng tatlong grupo na kilala bilang â€Tri-Org†na hinihiling nila ito para sa kapakanan ng industriya dahil marami nang horse owners ang nalulugi bunga ng pagbagsak ng sales sa horse racing.
“Napakamahal na ang mag-alaga ng kabayo at lumiit na rin ang mga papremyo dahil na rin sa pagbaba ng sales sa industriya. Hindi namin hinihingi na alisin ang 3 percent trainers fund para pahirapan ang mga trainers kungdi kinakailangan lamang ito ng panahon,†dagdag ni Tagle.
Idinagdag din ng Tri-Org na ilang pagpupulong na rin ang ginawa nila sa Philracom pero walang nakuhang positibong tugon sa mga idinulog.
Isinisisi rin ng Tri-Org sa Philracom ang patuloy na pagbagsak ng kita sa industriya dahil hindi naipo-promote ng husto ang horse racing bukod pa sa pagdagsa ng mga illegal bookies.
Ang racing holiday ay dapat sinimulan kahapon pero may mga nagdeklarang horse owners para makabuo ng karera sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite hindi lamang para kahapon kungdi kahit sa Biyernes.
Pero naniniwala ang Tri-Org na eepekto ang ra-cing holiday dahil nakausap na umano nila ang ibang miyembro na nagdeklara at nagpasabi na i-scratch nila ang mga isinaling kabayo bilang pakikiisa sa kanilang ipinaglalaban.
May liham na rin ang Tri-Org para kay Pangulong Benigno Aquino III na kung saan hiniling nilang alisin ang buong opisyal ng Philracom board bagay na sa kanilang paniniwala ay aaksyunan din agad ng Pa-ngulo.