Si De Leon ang susi sa panalo ng NU - Mabbayad

MANILA, Philippines - Kinilala ni National University coach Edjet Mabbayad ang husay ni Rubie De Leon na siyang nakatulong para maabot ng koponan ang tagumpay sa katatapos na Shakey’s V-League Season 10 First Conference.

Si De Leon ang setter ng koponan ngunit ang numero unong ibinigay niya sa koponan ay ang leadership na kulang sa mahuhusay pero batang Lady Bulldogs.

“Si Rubie ay hindi lamang mahusay at matalinong player. Siya rin ang nagiging kinatawan ko sa loob ng court kaya ang ins-truction na ibinibigay ko ay nakukuha nila,” wika ni Mabbayad na pinalitan si Francis Vicente noong Marso.

Unang titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s ang nakuha ng Lady Bulldogs nang talu-nin ang two-time champion Lady Eagles, 2-1, sa best-of-three finals series.

Ang unang layunin ng Lady Bulldogs sa pag-lahok sa torneo ay ang makuha ang karanasan para magamit sa UAAP.

Pero naroroon din ang tiwala ni Mabbayad na kaya nilang magkampeon lalo na kung magtutulu-ngan sa loob ng court.

“Wala namang pressure na ibinibigay sa mga players. Ang lagi kong sinasabi sa kanila ay mag-enjoy sa court,” dagdag ni Mabbayad.

Masaya rin si De Leon sa pagkapanalo ng titulo at kinatampukan din  ang solidong ipinakita sa paggawad sa kanya ng Most Valuable Player sa finals.

“Ang gusto ko lamang ay makatulong sa kahit anong pamamaraan,” wika ni De Leon na sa deciding game ay may 13 hits na kinatampukan ng apat na blocks at tatlong service aces.

Hindi rin magagawa ng koponan ang manalo kung hindi sa husay nina Dindin Santiago, Jaja Santiago, Myla Pablo at Jennylyn Reyes.

Ang naunang tatlong manlalaro ang puwersa sa kanilang net game habang si Reyes ang taga-kuha ng mga matitinding palo mula sa Lady Eagles na sina Alyssa Valdez, Jeng Bualee at Rachel Ann Daquis.

Ngayong nakatikim na ng titulo ang koponan, nananalig si Mabbayad na magpapatuloy ang magandang ipinakita sa V-League sa papasok na UAAP season.

Taong 1956-57 noong huling kumuha ng kam-peonato ang Lady Bulldogs sa UAAP at malaki ang posibilidad na magwakas ang ilang dekadang paghihintay sa taong ito.

 

Show comments