Wagi ang nagbabalik na Chevrome

MANILA, Philippines - Sumungkit ng panalo sa pagbabalik-takbo ang Chevrome na nangyari noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Hinete ng kabayo si JA Guce sa pagbabalik ng Chevrome matapos mamahinga ng mahigit na tatlong buwan  nang pumang-anim sa idinaos na PCSO Freedom Cup noong Pebrero 17 na ginawa sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).

Nagkasukatan ang nanalong kabayo at Power Factor na siyang unang lumamang sa 1,300-metro class division 8 karera.

Sa kalagitnaan ng karera ay kinuha ng Chevrome ang kalamangan pero binalikan ito ng katunggali na hawak ni LT Cuadra  Jr.

Pakagat lamang pala ito ni Guce dahil sa huling 75-metro ng labanan ay humataw uli ang kabayo tungo sa halos dalawang dipang agwat sa meta.

Inaasahang makikita uli ang kabayo sa mga malalaking karera na pag-lalabanan sa darating na mga buwan.

Outstanding ang Chevrome para magkaroon ng P6.00 dibidendo sa win habang ang 5-2 forecast ay mayroong P11.50.

Produktibo rin ang araw para kay Guce dahil may tatlong panalo pa siyang naitala para lumabas bilang winningest jockey sa pita.

Ang iba pang kabayo na kuminang sa kanyang pagdadala ay ang King Mammoth sa race 8, Coal Harbour sa race 9 at Blumentrit sa race 11.

Isa pang nagbabalik na kabayo na dinomina ang karera ay ang Money King sa race six na isang class division 6 sa 1,400-metro distansya.

Si Pat Dilema uli ang gumabay sa kabayo na hu-ling tumakbo noong Pebrero 1 sa nasabing race track at nanalo sa labanan sa mas maigsing 1,300-metro.

Bagamat mas mahaba ang tinakbo ngayon ay kayang-kaya ng  Money King ang 12 na kalaban tungo sa tagumpay at pinangatawanan din ang pagiging patok sa karera.

Sinakyan muna ng Money King ang matuling pace na ginawa ng Markees World pero sa huling kurbada ay inagaw na ang kalamangan bago tulu-yang umarangkada.

Halos walong dipa ang layo ng nanalong kabayo sa nadehadong Joshua Laughter na naungusan ang third choice na Panamao King para sa second place.

 

 

Show comments