Nag-improve ang kondisyon ni ‘Mookie’ Blaylock
ATLANTA – Nasa seryosong kondisyon na ang sitwasyon ni NBA All-Star guard Daron ‘Mookie’ Blaylock sa isang Atlanta hospital nitong Sabado, isang araw matapos bumangga ang kanyang SUV sa van na ikinamatay ng isang babae.
Kinumpirma ng Atlanta Medical Center spokeswoman na si Nicole Gustin na nag-improve na ang dating kritikal na kondisyon ng 46-gulang na si Blaylock sapul na dalhin ito sa ospital sakay ng helicopter.
Ayon sa mga police, ang dating Atlanta Hawks player ay naka-life support noong dumating ito, gabi ng Biyernes. Si Blaylock ay nagmamaneho sa Jonesboro noong Biyernes ng gabi nang bumangga ito ayon kay Clayton County police spokesman Clarence Cox.
Ayon sa report, ang SUV ni Blaylock ay tumawid ng center line at sumalubong sa parating na van. Ang pasahero ng van na si Monica Murphy, 43-gulang ay namatay noong Biyernes ng gabi, ayon kay Jonesboro Police Chief Franklin Allen.
Ang kanyang 41-gulang na asawang si Frankie Murphy ay nabalian ng ankle.
Sinabi ni Allen sa WSB-TV sa Atlanta na may history si Blaylock ng seizures o pangingisay kaya iniimbestigahan ng mga pulis kung ito nga ang dahilan ng aksidente.
Si Blaylock ay first-round draft pick ng New Jersey Nets mula sa Oklahoma noong 1989.
Lumaro siya sa Atlanta Hawks noong 1992 hanggang 1999. Lumaro noong 1994 NBA All-Star game at ang kanyang best season ay noong 1996-97, kung saan nag-average siya ng 17.4 points at 5.9 assists.
Sa 13 NBA seasons sa New Jersey, Atlanta at Golden State, nag-average siya ng 13.5 points at 6.2 assists.
- Latest