Mas mabuti pang di kasali ang Gilas sa Jones Cup

Matapos ang mga huling pangyayari, di nagbabago ang aking hula na makakamit ng Gilas Pilipinas ang mithiin sa 2013 FIBA-Asia Championships na makausad sa 2014 FIBA World Cup.

Sa ganang akin, walang epekto ang pagkansela ng Chinese Taipei sa imbitasyon sa Pilipinas na lumaro sa Jones Cup. Mahaba pa ang panahon para makakuha ang pamunuan ng Gilas na kahaliling torneo.

Bentahe pa nga ito sa Gilas dahil di mai-scout ang kanilang training. Samantalang maaari tayong patagong magdala ng scouts sa Taipei upang sundan ang mga laro ng mga kalaban.

‘Di nga ba’t di naman lumalaro ang China sa Jones Cup? Kahit ang Qatar ay minabuting magtago sa mga maiinit na mata ng mga scouts ng kalaban.

‘Di nagbabago na tangan ni coach Chot Reyes na napakalaking bentahe kumpara sa mga nakaraan nating National teams. Ito ang kaisa-isang National team na binubuo ng PBA players at reinforced ng isang naturalized player na lalaro sa harapan ng ating mga kababayan.

Kailangan lamang nating pumasok sa top three para umusad sa World Cup. Hawak natin ang ating kapalaran. 

***

Wala sigurong aangal kung may isang tumayo at ipag-laban si Tony Parker na isa sa mga pinakamagaling na point guard sa NBA ngayon. Ngunit malamang na aakit ng debate kung sabihin na siya ang elite.

Ito ang tema ng artikulo na isinulat ni Sunny Saini sa ESPN.com matapos dalhin ni Parker ang San Antonio Spurs sa NBA Finals sa pamamagitan ng kanilang four-game sweep ng Memphies Grizzlies sa Western Confe-rence finals.

Maraming numero at trivia na hinalukay ang writer kasama na ang tatlong NBA championships at isang Finals MVP award na nasungkit ni Parker mula nang pumasok sa NBA noong 2001-02 season. Mula 1990, sina Isiah Thomas, Chauncey Billups at Parker lamang ang mga point guard na nagbulsa ng Finals MVP trophy.

Binanggit din ng writer ang pangunguna ni Parker sa Spurs sa scoring at assists sa tatlong sunod na season at lima sa huling walong taon.

At lubhang impresibo ang 70 percent winning percentage ni Parker – numero unong record ng kahit sinong point guard sa kapanahunan ni Parker sa NBA.

Kung itatabi sa mga Hall-of-Fame point guards, ‘di mapapahiya ang kanyang record. Nag-iisa si Magic Johnson (73 percent) na may mas mataas na winning percentage. Pangatlo si Dennis Johnson (65 percent) na sinusundan nina Oscar Robertson (62), John Stockton (62), Gary Payton (61) at Thomas (58).

Ngunit muli, si Parker nga ba ang da best sa kanyang kapanahunan? Wala sigurong kwestiyon kung championships lamang ang pagbabasehin.

Show comments