Swimmer Lacuna namayagpag

MANILA, Philippines - Isang Olympian ang nanalasa sa kanyang mga events sa swimming, habang nagwakas naman ang panggugulat ng 13-anyos na billiards player mula sa Zamboanga City kahapon sa 2013 PSC-POC National Games.

 Tatlong gintong medalya ang inangkin ni Olympic Games campaigner Jessie Khing Lacuna ng Pulilan, Bulacan sa 100-meter at 400-meter freestyle at sa 200-meter butterfly ng boys’ 16 and over division.

Nagtala si Lacuna ng tiyempong 53.15 segundo para iwanan sina Jetrho Roberts Chua (55.77) ng Caloocan City at Franz Marquez (56.77) ng Quezon Province at kunin ang gold medal sa 100m freestyle.

Naghari naman si Lacuna sa 400m freestyle mula sa kanyang bilis na 4 minuto at 7.86 segundo kasunod sina national athlete Fahad Alkhaldi (4:08.79) at Chua (4:17.18).

Nagdomina rin ang 19-anyos na tanker sa 200m butterfly sa kanyang bilis na 2:18.59 para talunin sina Giovanni Trapila (2:43.31) at Joshua Philippe Gumban (3:11.96) ng Iloilo.

Nakatakda pang sumabak si Lacuna sa 200m freestyle, 400m individual medley, 100m butterfly, 200m IM, 50m freestyle at 100m breast stroke events.

Sa billiards sa RMSC, iginupo ni Iris Ranola, ang gold medal winner sa 9-ball at 8-ball events sa 2011 Southeast Asian Games, ang 13-anyos na si Cheska Centeno ng Zamboanga City, 9-7, sa kanilang finals showdown para pitasin ang gintong medalya.

Si Centeno ang gumitla ng dalawang beses kay SEAG veteran at dating World Pool 9-ball runner up Rubilen Amit.

Natalo naman si billiards legend Efren ‘Bata’ Reyes kay Reynaldo Grandea, 38-40 sa kanilang  3-cushion gold medal match sa snooker event.

Sa athletics sa Philsports Arena sa Pasig City, inangkin ni Arnel Ferrera ang kanyang ikalawang gold medal nang maghagis ng 42.61m sa discuss throw makaraang maghari sa hammer throw event noong Miyerkules.

Ang iba pang National pool members na tumubog ng ginto sa kani-kanilang mga events ay sina Fely Dollos ng Runs For Change sa women’s triple jump (11.78m) at Rafael Poliquit sa men’s 5k (15.21).

Sa lawn tennis, pinayukod ni top seed Marian Jade Capadocia si Edlyn Ba-langa, 6-3, 6-0, sa women’s singles class upang ibulsa ang gintong medalya.

 

Show comments