MANILA, Philippines - Hangad ng La Salle na makadalawang sunod sa kanilang karibal na Ateneo sa muling pagku-krus ng kanilang landas nitong Linggo sa Mall of Asia Arena sa kanilang taunang ‘Dream Game’ exhibition match.
Naging dominante ang Green Archers sa 117-104 panalo kontra sa Eagles sa unang pagtatanghal ng ‘Blue vs. Green’ showdown na kinatatampukan ng mga alumni ng bawat eskuwelahan na kasaluku-yang naglalaro sa PBA noong nakaraang taon sa Smart-Araneta Coliseum.
Muling lalaro para sa mga taga-Taft ang responsible sa kanilang panalo noong nakaraang taon na si veteran Don Allado.
Ang two-time UAAP MVP ang nanguna sa Archers sa kanyang 23 points at nagbida sa huling bahagi ng labanan upang pigilan ang paghahabol ng Eagles.
Makakatulong ni Allado sina JV Casio, MacMac Cardona, Mike Cortez, Joseph Yeo, RenRen Ritualo, Ryan Araña, Rico Maierhofer, Carlo Sharma, TY Tang at Willy Wilson at ang tanging idadagdag sa team ay si rookie Simon Atkins.
Muli ring magko-coach para sa La Salle si Franz Pumaren, ang nagmando sa DLSU sa apat na sunod na titulo noong 1998 hanggang 2001.
Hindi naman makakaasa ang Ateneo sa kanilang tatlong key players noong nakaraang taon na sina LA Tenorio, Larry Fonacier at Japeth Aguilar na kasama sa Gilas Pilipinas team na nakatakdang umalis para sa two-week training camp sa Lithuania.