ASEAN Basketball League semifinals Tatapusin na ng San Miguel

Laro NGAYON

(Nimibutr Stadium, Bangkok)

8 p.m. - Sports Rev Thailand vs San Miguel Beer

 

MANILA, Philippines - Nakitaan ng tibay ng dibdib ang San Miguel Beer nang kunin ang 70-62 panalo sa Sports Rev Thailand Slammers noong Martes ng gabi sa ASEAN Basketball League (ABL) semifinals sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.

Nanalo ang Beermen kahit nawala ang 19 puntos kalamangan sa first half at tinapos ang huling 3:50 ng labanan na wala ang mga imports na sina Brian at Justin matapos ma-foul out.

“I have to give credit to all my players,” wika ni Beermen coach Leo Austria. “The Slammers refused to lose but my players didn’t give up.”

Magtutuos uli nga-yong ika-8 ng gabi ang Beermen at Slammers sa nasabing venue at pipilitin ng bisitang koponan na wakasan na ang kanilang serye.

Kung magtatabla sa 2-2, ang deciding Game Five ay gagawin sa Ynares Sports Arena sa Pasig City sa Hunyo 3.

Lumayo sa 38-19, kumulapso ang opensa ng San Miguel sa ikatlong yugto nang magtala lamang ng anim na puntos para bigyang buhay ang paghahabol ng Slammers.

Lalo pang nataranta ang mga panatiko ng Beermen nang mapatalsik sina Brian at Justin Williams bunga ng limang fouls sa 4:58 at 3:50 minuto ng labanan.

Ngunit nabuhay ang opensa nina Chris Banchero at Erik Menk habang nakitaan ng iba-yong sigla si Asi Taulava na kinayang bantayan ang 7-footer import ng home team na si Christien Charles para hawakan ang 2-1 kalamangan sa best-of-five series.

May pitong puntos lang si Banchero sa mahinang 2-of-11 shooting, pero naipasok niya ang jumper matapos dumikit sa lima, 58-63, ang Slammers.

Isang split ang ginawa ni Charles bago gumawa ng tatlong sunod na puntos si Menk upang tiyakin ng Beermen ang panalo sa 68-59 bentahe sa huling 1:23 ng labanan.

Show comments