MANILA, Philippines - Mahusay na ginabayan ni Pat Dilema ang nagbabalik na kabayong Tarlak nang manalo ito sa idinaos na karera noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nagtampisaw sa putik ang anim na taong kabayo na may lahing Sailway at Gypsy Dancer nang hindi binitiwan ang kalamangan na kinuha mula nang buksan ang aparato sa 1,400-metro distansya sa class division 1-B.
Unang humamon sa tikas ng kabayong pag-aari ni JA Lapus ay ang Pretty Bull ngunit bumitaw ito sa hu-ling 400-metro ng karera.
Nasa balya ang Lucky Lohrke na siyang paborito sa 14 na kabayong naglaban, kasama ang isang coupled entries, at natapyasan nito ang abante ng nangu-ngunang kabayo ng kalahating dipa sa huling kurbada.
Pero may naitatabi pang lakas ang kabayo ni Dilema at sa huling 75-metro ay muling umarangkada tungo sa halos dalawang dipang panalo sa meta.
Huling pumuwesto ang kabayo noon pang Pebrero 14 sa nasabing race track nang pumangatlo ito at ang pagsungkit sa unang panalo sa taon ay naghatid ng P20.00 dibidendo sa win habang ang 6-11 sa forecast ay mayroong P77.50 pabuya.
Napangatawanan naman ng Coal Harbour ang pagtitiwala sa kanya ng mga karerista nang manalo sa class division 7 race sa 1,400-metro distansya.
Pinabayaan lamang ni JA Guce na maagang bumandera ang Rivers Of Gold at nakontento muna na isunod lamang ang kabayo.
Patulak-tulak lang ang ginawa ng hinete sa limang taong filly na kusang bumilis at sa huling 600-meter ng karera ay kinuha na ang liderato.
Lalo pang bumilis ang kabayong may lahi na With Class at Silk Sarong sa rekta para manalo ng halos limang dipa.
Nakaremate ang Jaiho para kunin ang ikalawang puwesto.
Ito ang unang panalo sa tatlong takbo sa buwan ng Mayo ng Coal Harbor para makapaghatid pa ng magandang P13.00 sa win bunga ng dikit-dikit na benta ng mga kalahok. Ang forecast na 5-7 ay mayroong P27.00 dibidendo.
Ang kabayong nagpasiklab sa huling araw ng karera sa nagdaang linggo ay ang Witness In Manila na lumabas bilang pinakadehadong nagwagi.
Si RM Telles ang nagdala sa kabayo na tumapos sa ika-12 puwesto noong Mayo 5 matapos manalo noong Abril 24 para madehado sa siyam na naglaban, pero walo ang opisyal na bilang ng mga kasali.
Hindi naubos ang Witness In Manila sa ipinakitang pagsabay sa matutuling kabayo na Lady Galore at La Mallorca na patok sa karera.
Lumamang ang anim na taong Witness In Manila sa pagpasok sa huling kurbada at hindi na inabutan ang tambalan.
Bumenta lamang ng mahigit na P15,000.00 mula sa mahigit na kalahating milyon piso sa Daily Double. Halagang P134.50 ang ibinigay sa win habang ang kumbinasyon ng nanalo at Lady Galore na 8-4 ay mayroong P442.00 dibidendo sa forecast.