MANILA, Philippines - Patuloy ang pamamayagpag ng 13-anyos na si billiards sensation Cheska Centeno, habang nakamit ni archer Ian Chipeco ang kanyang ikatlong gintong medalya at pawang mga collegiate standouts naman ang kumamada sa taekwondo event ng 2013 PSC-POC National Games kahapon.
Muling tinalo ni Centeno si dating world women’s 10-ball champion Rubilen Amit, 7-3, para makapasok sa gold medal round ng women’s 10-ball event sa Rizal Memorial Pool Hall.
Nauna nang ginulat ni Centeno, ang bronze medalist sa 2011 National Games sa Baguio City, si Amit, 7-6, sa kanilang unang paghaharap.
Si Amit ang tumalo sa kanya sa 2011 Yalin World 10-ball championship na idinaos sa Robinson’s Galleria.
Makakaharap ni Centeno ng Zamboanga City sa finals bukas para sa gintong medalya si National team member Iris Ranola na tumalo sa kanya, 7-2, sa kanilang unang pagkikita.
Ginitla naman ng 23-anyos na si Macky Lopez si dating World 9-ball champion Francisco ‘Django’ Bustamante, 9-4, sa men’s 9-ball event.
“Maganda ang takbo ng mga events natin sa PNG. Marami tayong nakita na mga taga-probinsya na nagpapakita sa mga national team members natin na puwede rin silang makipag-compete,†sabi ni PSC chairman Richie Garcia sa mga kagaya nina Centeno at Chipeco.
Tinudla naman ng 17-anyos na si Chipeco ang kanyang pangatlong gold medal nang mamayani sa team event sa archery na idinaos sa PUP Field sa Sta Mesa.
Sa taekwondo sa RMSC, tanging si Christian Al Dela Cruz ang miyembro ng National team na kumuha ng gintong medalya nang maghari sa men’s welterweight.
Ang iba pang nanalo ng gold medal sa kani-kanilang mga weight classes ay sina finweight Matthew Michael Padilla ng Arellano, flyweight Joenel Rendora ng University of the East, bantamweight Lorenz Chavez ng RTU, featherweight Eddtone Bobb Lumasac ng RTU, lightweight Arven Alcantara ng National University at iba pa.