Beermen tumabla sa 1-1

LARO SA MARTES

(Nimibutr, Bangkok)

8 p.m. Sports Rev

Thailand Slammers vs San Miguel Beer

 

 

MANILA, Philippines - Bumalik kaagad ang tikas ng laro ng San Mi­guel Beer para maitabla sa 1-1 ang best-of-five semifinals series nila ng Sports Rev Thailand Slammers sa pamamagitan ng 91-60 panalo sa ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Sina Chris Banchero, Val Acuña, Jeric Fortuna at Leo Avenido ay tumipa ng 12 points pataas mula sa pinagsamang 21-of-37 shooting, habang ang depensa ay naglimita kay 7-footer Slammers import Christien Charles sa 9 points at 9 rebounds.

“We had a great run in the elimination with 16 straight wins. But I told them, that is nothing if we can’t get ourselves into the Finals. We have the ta­lent but we need to work hard and this is what we did today,” wika ni Beermen coach Leo Austria.

May 8-of-16 shooting sa tres ang koponan at ang tatlong magkakasunod na ipinukol nina Fortuna, Avenido at Acuña sa ikalawang yugto ang nakatulong para kunin ng Beermen ang 20-11 abante at hawakan ang 42-24 kalamangan.

May tig-14 points sina Banchero at Acuña, habang 13 at 12 ang ibinigay nina Fortuna at Avenido.

Ang dagok lamang sa panalong ito ay nang ta­wagan ng dalawang un­sportsmanlike fouls si import Justin Williams upang mapatalsik sa laro.

Hindi pa batid kung may parusa siyang tatanggapin sa liga.

 

Show comments