Ateneo pinasiklaban ang NU

MANILA, Philippines - Laro ng isang two-time defending champion ang inilabas ng Ateneo tungo sa madaling 25-15, 25-22, 25-23, panalo laban sa National University sa pagbubukas kagabi ng Shakey’s V-League Season 10 First Confe-rence Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hindi gaanong nakapaglaro si Alyssa Valdez bunga ng pananakit ng balikat ngunit walang kaso ito dahil humataw sina Jeng Bualee, Rachel Ann Daquis at Amy Ahomiro para itala ang straight sets panalo tungo sa mahalagang 1-0 kalamangan sa best-of-three series.

Si Daquis ang tumapos sa hininga ng Lady Bulldogs na nakapanakot sa third set sa pagdikit sa 24-23, nang pakawalan ang matinding kill.

May 23 hits naman sina Angela Benting at Shiela Pineda para tulungan ang Adamson sa 23-25, 25-23, 19-25, 25-23, 15-12 panalo sa UST at makauna sa kanilang laban para sa ikatlong puwesto sa unang laro.

Samantala, pinakyaw ng mga manla-laro ng National University ang mga individual awards na ipinamigay kahapon sa Shakey’s V-League Season 10 First Conference sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang 6’2” spiker na si Aleona “Dindin” Santiago ang siyang kumuha sa pinakaprestihiyosong parangal sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s nang ibigay sa kanya ang Most Valuable Player award.

Si Santiago rin ang lumabas bilang Best Sco-rer sa kanyang 193 hits na nagmula sa 146 spikes, 22 blocks at 25 service aces.

Ang mga kakamping sina Myla Pablo, Rubie de Leon at Jennylyn Reyes ang nagwagi bilang Best Attacker, Best Setter at Best Digger.

Kinilala rin sina Alyssa Valdez bilang Best Server, Jeng Bualee bilang Best Reciever , Maika Ortiz  bilang Best Blocker at Pamela Lastimosa bilang  Most Improved Player.

 

Show comments