Hindi naubos ang lakas ng Rogue para makapagtala ng upset
MANILA, Philippines - Hindi naubos ang kabayong Rogue sa mahigpitang labanan nila ng napaborang El Matador para makapagtala ng upset sa race six sa idinaos na pista sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas noong Martes ng gabi.
Patok ang El Matador na sakay ni Rodeo Fernandez pero hindi umubra ang malakas na pagdating sa buo pang Rogue na hawak ni AO Camañero para pagharian ang 1,400-metro karera na Summer Racing Festival Class Division 4.
Sinahugan ang ka-rerang ito ng P20,000.00 added prize at napunta sa connections ng Rogue ang P12,000.00 gantimpala.
Unang umalagwa ang Hold That Cat sa pagdadala ni Pat Dilema at lumayo ng halos apat na dipa sa Rogue, Tough Of Glory at El Matador.
Ngunit naubos din ang nasabing kabayo habang inilabas ni Fernandez ang El Matador para makadikit sa nangunguna nang Rogue.
Sa rekta ay patuloy ang pagdating ng El Ma-tador ngunit sapat pa ang lakas ng Rogue upang ilagay ang paboritong kabayo sa ikalawang puwesto, kalahating-kabayo ang layo sa pagtawid nito sa meta.
Lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa bakuran ng Metro Manila Turf Club ang Rogue nang naghatid ito ng P111.50 sa win. Ang 4-3 sa forecast ay may maganda pang P321.50 dibidendo.
Nakuha naman ng Isla Verde ang tampok na pa-nalo sa gabi nang dominahin ang P40,000.00 Summer Race Festival (NHG HR 9) Race 5 laban sa apat na katunggali.
Minaliit ng kabayong sakay ni Jeff Zarate ang hamong hatid ng Sweet Mind sa unang yugto ng labanan nang humataw na pagpasok sa rekta tu-ngo sa solong pagtawid sa meta.
Napahirapan ang Sweet Mind na diniskartehan ni Pat Dilema at naglakad sa home stretch para lampasan ng Royal Jewels para sa ikalawang puwesto.
Halagang P24,000.00 ang napanalunan ng connections ng Isla Verde habang ang mga karerista na tumaya sa paboritong kabayo ay nagkamit ng P10.50 sa win at P16.50 sa 5-1 forecast.
- Latest