Alaska determinadong maka-2-sunod na titulo

MANILA, Philippines -Ibabandera ng Alaska Milk bilang import si dating New Mexico State star Wendell McKines sa hangarin ng Uytengsu franchise na makamit ang kanilang ikalawang sunod na titulo sa PBA Governors Cup na nakatakda sa Agosto 14 pagkatapos ng 2013 FIBA Asia Championships.

Sinabi ni Alaska owner Wilfred Steven Uytengsu na hindi sila magrerelaks matapos makamit ang Commissioner’s Cup title.

Matapos wakasan ang tatlong taon na pagkauhaw sa korona, hangad naman ng Aces ang kanilang unang back-to-back championships makaraang kunin ang ikalawang Grandslam noong 1998.

Si McKines ay dating US NCAA Western Athletic Conference (WAC) MVP at ang scoring at rebounding champion sa 2011-12 campaign.

Nakalista siya bilang isang 6-foot-6 ngunit inaasa-hang makakapasa sa 6-foot-5 ceiling ng Governors Cup.

Sinasabi ring may sukat si McKines ng isang two-guard, ngunit naglalaro bilang power forward.

Nagtatala siya ng mga averages na 18.7 points at 10.7 rebounds sa kanyang senior year sa NMS Aggies bago naglaro sa Golden State Warriors sa NBA summer league. Nagposte siya ng 27 points at 14 rebounds para igiya ang Aggies sa 82-57 panalo laban sa Louisiana Tech sa 2012 WAC championship. Mula sa kanyang 20 double-doubles – at kabuuang 47 sa kanyang career, hinirang si McKines bilang WAC MVP. Napasama din siya sa National Association of Basketball Coaches (NABC) All-District Six team at sa US Basketball Writers Association (USBWA) All-District VIII team.

Samantala, ibabalik ng San Mig Coffee si Markus Blakely habang kinokonsidera naman ng Globalport na kunin ang rights kay Jamelle Cornley mula sa title holder na Rain Or Shine na nagdesisyong palitan ang  Best Import awardee dahil sa attitude nito.

Tinitingnan naman ng Barangay Ginebra si Dior Lowhorn ng San Francisco habang isasalang naman ng Talk ‘N Text si Tony Mitchell na ginamit nila sa  Commissioner’s Cup semifinals kontra sa Gin Kings.

Ang season-ending Governors Cup ay pinaigsi kung saan dadaan ang 10-team sa  single-round elims lamang at ang top eight ay uusad sa playoffs.

Sa quarterfinals, No. 1 vs No. 8, No. 2 vs No. 7, No. 3 vs No. 6 at No. 4 vs No. 5 kung saan ang may mataas na seeding ay may twice-to-beat advantage .

Ang semis ay best-of-five series at ang  finals ay best-of-seven.

Show comments