Ang Alaska at si Luigi Trillo

Palakpakan natin si Alaska coach Luigi Trillo.

Bago nagsimula ang torneo, walang naniwala kay Trillo na kaya niyang ipanalo ang Alaska.

Siyempre, ang Alaska management sa pangu-nguna ni team owner Wilfred Steven Uytengsu at ang tatay niyang team manager na si Joaqui Trillo ay naniwala sa kanyang kakayahan. Hindi naman siya kukuning coach kung hindi niya kaya di ba?

Pero bukod sa management, wala nang naniwala kay Trillo.

Sino nga naman ang maniniwala kung ang kanyang record ay 0-33 sa tatlong season na pagmamando ng Adamson sa UAAP?

Pero napatunayan ni Luigi ang kanyang sarili.

***

Siguradong bad trip ang mga Ginebra fans sa Alaska.

Hiniya kasi ng Gatas Republic ang mga taga-Barangay. Sa harap ng libu-libong fans ng Gin Kings, tatlong beses tinalo ng Aces ang tropa ni coach Alfrancis Chua para ma-sweep ang kanilang best-of-five series sa 3-0 at makopo ang titulo sa PBA Commissioner’s Cup.

Ang sama siguro ng loob ng mga taga-Barangay na bumili ng pagkamahal-mahal na ticket para makapanood ng finals kung saan dalawang beses na-break ang record sa crowd attendance na umabot sa 23,000.

Naunsiyami na naman ang Ginebra.

***

Punta naman tayo sa NBA.

Nakakaawa naman ang Oklahoma na ilang beses nang nauunsiyami.

Kung inyong matatandaan, paboritong makapasok sa finals ang Oklahoma City dahil kina Kevin Durant at  Russell Westbrook.

Ilang beses pa itong naging No.1 sa NBA Power Rankings dahil matagal din silang nanguna sa team standings.

Ang kaso, sinibak sila ng Memphis sa second round ng playoffs, 4-1.

Nagka-injury kasi si Westbrook kaya mag-isang binubuhat ni Durant ang Thunder. Sayang talaga.

Last year, sa pinaigsing season ng NBA, sila rin ang paboritong manalo, kaso natalo sila sa Miami sa finals.

Noong 2011 naman, sinibak sila ng Dallas at ang Dallas ang nagkampeon. Ganun din noong 2010, sinibak sila ng Lakers at Lakers din ang nagkampeon.

Tingnan natin kung ano ang magiging kapalaran ng Memphis.

Show comments