MANILA, Philippines - Pakay ng Boracay Rum at Fruitas na umabante na sa susunod na yugto habang panatilihing buhay pa ang paghahabol sa titulo ang asam ng EA Regen at Big Chill.
Asahan ang mainit na laro sa apat na koponang ito sa pagbubukas ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa Blue Eagle Gym sa Katipunan, Quezon City.
Katapat ng Waves ang Team Delta sa unang bakbakan sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng Shakers at Superchargers dakong alas-4 ng hapon.
Dahil tinapos ang eliminasyon sa ikatlo at apat na puwesto, may hawak na twice-to-beat advantage ang Boracay Rum at Fruitas at mangangahulugan ito na dapat silang manalo na para umusad sa Final Four na kung saan naghihintay na ang NLEX at Blackwater Sports na nalagay sa unang dalawang puwesto sa unang yugto ng kompetisyon.
Tinalo ng Waves ang Team Delta, 85-75, habang umukit ng 83-75 tagumpay ang Shakers sa Superchargers para madagdagan ang kanilang kumpiyansa.
Hindi naman gaanong nagkukumpiyansa si Waves coach Lawrence Chongson na kinailangang talunin ang Shakers, 63-54, para umabante sa yugtong ito.
“Hindi maaaring basehan ang laro sa elimination. Nagkaroon na ng sapat na panahon ang Team Delta na mabuo ang chemistry at inaasahan kong mas mahirap na silang talunin ngayon,†wika ni Chongson.
Aasa siya sa lideratong ibibigay ni Jeff Viernes at Paolo Taha para maisantabi ang lakas sa ilalim na hatid nina Ian Sangalang at Raymund Almazan at sa pagbuslo nina Alex Nuyles at Jimbo Aquino.
Sa pamumuno ni Carlo Lastimosa sasandal ang Shakers para pawiin ang kabiguang makuha ang awtomatikong puwesto sa Final Four matapos masilat sa huling laro.
“Kailangang alisin na sa isipan ang nangyari sa huling laro. Ang mga natutunan namin sa mga nagdaang laban ay kailangang mailabas para matapos na agad ang series,†wika ni Shakers coach Nash Racela.
Si Terrence Romeo ang uuna para sa tropa ni coach Robert Sison na magkakaroon ng dagdag-puwersa dahil sa pagkakahugot kay Jeckster Apinan na binitiwan ng EA Regen.