Austria may pagkakataong ipaghiganti si Parks

MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni coach Leo Austria na hindi assurance ang 16-game winning streak ng San Miguel Beer para makopo ang titulo sa Asean Basketball League (ABL) championships sa kanilang paghahanda sa best-of-five semifinals kontra sa Sports Rev Thailand Slammers na magsisimula bukas sa Ynares Sports Center.

Tinapos ng San Miguel ang regular season noong Biyernes sa pagtatala ng 107-104 triple overtime win kontra sa Westports Malaysia Dragons sa Kuala Lumpur. 

Ang panalo ay nag-angat sa record ng Beermen sa 19-3 na sumiguro sa kanila ng homecourt advantage sa kabuuan ng playoffs bilang top seed. 

Nagtapos bilang second placer ang defending champion Indonesia Warriors sa 16-6 kasunod ang Malaysia na may 12-9 at may huling laban pa kontra sa Saigon.  Ang Thailand ang fourth placer sa 8-14.

Noong nakaraang taon, pinangunahan din ng San Miguel ang regular season taglay ang 17-4 karta at tinalo ang Malaysia sa semifinals bago ang masaklap na pagkatalo sa Indonesia sa best-of-three finals na umabot sa dulo.

Assistant pa noon si  Austria ng yumaong si coach Bobby Parks at hindi pa nalilimutan ang masaklap na pagkatalong iyon kontra sa Warriors sa sari-ling balwarte pa naman.

Ngayon ay may pagkakataong makabawi si Austria at ipaghiganti si Parks, na yumao noong Marso lamang.

“Right now, everything is 50-50 until Game 1 of the first round of the playoffs is over,” sabi ng 55-gulang na si Austria na nanalo ng PBL titles para sa Shark Energy Drink at Welcoat bago pumalaot sa PBA.  “I think we’ve got the advantage in experience, skills and imports but we can’t be comfortable.  Every team is out to beat us because we’re the top seed.  My job is to motivate my players to grab this opportunity to win a championship.”

Ang mga import ni  Austria ay sina 6’10 Brian Williams ng Tennessee at 6’9 Justin Williams ng Wyoming na susuportahan naman nina Chris Banchero, Asi Taulava, Eric Menk, Leo Avenido, Val Acuna, Paolo Hubalde, Jeric Fortuna, Christian Luanzon, Hans Thiele, J. R. Cawaling, R. J. Rizada at Mike Burtscher.

 

Show comments