1st leg ng Triple Crown Series ilalarga ngayon sa Metro Turf

MANILA, Philippines - Sinong kabayo ang mamumuro para tanghaling 2013 Triple Crown champion?

Malalaman ang kasagutan sa taong na ito matapos saksihan ang unang yugto sa Philracom Triple Crown Series sa bakuran ng MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Ito ang ika-36th edis-yon ng pinakamalaki at prestihiyosong karera para sa mga kabayong edad tatlong taong gulang at ang labanan ay gagawin sa isang milyang distansya.

Umabot sa 11 kabayo pero 10 ang opisyal na bilang, ang mga magtatagisan sa tampok na karera na sinahugan ng P3 mil-yong premyo ng Philracom at ang mananalo ay magkakamal ng P1.8 milyon.

Ang mga kasali sa karerang itatakbo sa ganap na ika-4 ng hapon ay pangungunahan ng Be Humble at El Libertador na mga nakapagpasiklab sa mga stakes races na pinaglabanan na.

Sasakyan ang Be Humble ni Alvin Guce para kay Ruben Dima-cuha habang ang regular na hinete ng El Libertador na si Jonathan Hernandez ang magtatangkang bigyan ng panalo ang kampo ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.

Si Mayor Abalos ang namayagpag noong 2012 edisyon dahil ang Hagdang Bato ang nakawalis sa tatlong yugtong karera.

Ang iba pang kasali at mga hinete nito ay ang Captain Ball (Pat Dilema) at Borj Khalifa (R. Fernandez), Boss Jaden (JB Bacaycay), Divine Eagle (MA Alvarez), Grand Strikes Girl (JPA Guce), Haring Benedict (CV Garganta), Hot And Spicy (JT Zarate), Keep The Pledge (EG Reyes) at Spinning Ridge (V Dilema).

Ang Boss Jaden at Hot And Spicy   ay inaasahang palaban din habang ang iba ay tiyak na ikinondisyon nang husto para makuha ang mahalagang panalo.

Ang hindi papalarin ay makokontento na lamang sa premyong inilaan na P675,000.00, P375,000.00 at P150,000.00 para sa papangalawa hanggang papang-apat.

 

Show comments