Some Like It Hot at Straight Path nakabawi agad

MANILA, Philippines - Nakabawi agad ang Some Like It Hot sa huling pagkatalo matapos  masama sa mga nanalong kabayo noong Miyerkules  ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.

Kondisyon ang kabayong sinakyan ni Mark Alvarez dahil dominado ng Some Like It Hot ang 1,200-metro class division 6 mula sa simula hanggang matapos ang laban para pawiin ang pagkakalagay sa ikalawang puwesto sa Aranque noong Mayo 3 sa bagong racing club.

Naghabol mula sa malayong ikatlong puwesto ang Esprit De Corps ni LT Cuadra para pumangalawa sa datingan.

Isa pang nagpasikat ay ang Straight Path, ginaba-yan ni Fernando Raquel Jr. para sa 3-YO and above maiden race sa 1,200-metro distansya.

Galing din ang kabayo sa pangalawang puwesto pagtatapos noong Mayo 8 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Queen Ramfire at nakabawi agad ang tambalan nang hindi umubra ang laban ng Real Steel.

Ang Real Steel ang umalagwa agad habang nasa ikalawang puwesto lamang ang Straight Path at nagtitipid ng eherhiya na pinakawalan sa mahalagang yugto ng labanan.

Sa panalong ito, naipagkaloob din ng Straight Path sa winning owner ang dagdag gantimpalang P10,000.00 na ibinigay ng Philracom.

Nagpasok ang forecast na 4-3 sa race one ng P39.50 habang ang 2-3 kumbinasyon sa race two ay nagkahalaga ng P42.00 dibidendo.

Nasilo naman ng Boss Jay ang unang panalo sa taon matapos manaig sa Gold On Fire sa race seven na isang NHG 3-YO Handicap Race 4 sa 1,400-metro distansya.

Mas pinaboran ang nakatunggali na sakay ni Raquel dahil pumangalawa ito noong Mayo 9 sa nasabing race track pero hindi naubos ang Boss Jay para sa tagumpay.

Ang Don Albertini na nalagay sa ikalawang puwesto noong Mayo 7 ay tumapos lamang sa ikatlong puwesto sa pagkakataong ito.

 

Show comments