Thailand ang makakalaban ng SMBeermen sa ABL semifinals
CEBU, Philippines - Inaasahang walang magiging problema ang San Miguel Beer kung ang pagpasok sa finals sa ASEAN Basketball League (ABL) ang pag-uusapan.
May 15 sunod na panalo at wawakasan ang eliminasyon bukas sa pagbiyahe sa Malaysia para kaharapin ang Westports Malaysia Dragons, makakatapat ng Beermen ang Sports Rev Thailand Slammers sa best-of-five semifinals series.
Nakuha ng Slammers na hindi nanalo sa Beermen sa apat na pagkikita sa elimination round, ang ikaapat at huling puwesto sa playoffs, matapos yumukod ang Singapore Slingers sa Indonesia Warriors kahapon, 53-63.
Tinapos ng Slingers ang kampanya sa eliminasyon sa 7-15 karta at kahit may pagkakataon na magkatabla ang nasabing koponan sa Slammers na haharapin ngayon ang Saigon Heat, aabante ang Thailand dahil sa naiposteng 3-2 karta sa kanilang head-to-head.
Ang semifinals ay bubuksan sa Mayo 23 at ang larong ito at ang Game 2 sa Mayo 25 ay gagawin sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Lilipat ang serye sa Nimibutr Stadium sa Bangkok para sa Game 3 sa Mayo 28 at kung kakailanganin, ang Game 4 sa Mayo 30, habang ang ikalima at huling pagtutuos ay mapapanood sa Ynares sa Hunyo 3.
Ang nagdedepensang Warriors ang kalaro ng Dragons sa isa pang Final Four match at ang Indonesia ang may home court advantage at ang unang dalawang laro na itinakda sa Mayo 24 at Mayo 26 ay gagawin sa Mahaka Square sa Jakarta.
Ang Game 3 at Game 4 ay sa MABA Gym sa Malaysia sa Mayo 29 at Mayo 31.
- Latest