MANILA, Philippines - Matutukoy ngayon kung sino ang kukuha sa huling awtomatikong puwesto sa semifinals at ang mga aabante sa quarterfinals sa pagtatapos ng PBA D-League Foundation Cup elimination round sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang Fruitas ang magtatangka na makasama ng NLEX sa Final Four sa pagharap sa Boracay Rum na kailangan ang panalo para makaabante sa quarterfinals.
Matutunghayan ang laro dakong alas-2 ng hapon matapos ang tagisan ng NLEX at Jumbo Plastic sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Ang Road Warriors ay may walong sunod na panalo sa 10 laro at selyado na ang number one seeding kahit ano pa ang maging resulta ng labanan.
Nasa ikalawang puwesto ang Blackwater Sports sa 8-3 karta at kailangan nilang manalangin na matalo ang Shakers upang mahawakan ang ikalawa at huling insentibo na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan.
Kung mananalo ang tropa ni coach Nash Racela, makakatabla nila ang bataan ni coach Leo Isaac sa 8-3 karta at makukuha ng Fruitas ang insentibo dahil sa 95-91 panalo sa kanilang pagtutuos.
Ang kukumpleto sa apat na koponan sa quarterfinals ay malalaman din matapos ang tagisan ng Shakers at Waves.
Sa ngayon ay apat na koponan ang nasa ikalima hanggang walong puwesto sa 6-5 karta at magiging lima ito kung yuyukod ang Boracay Rum.
Quotient system ang gagamitin para basagin ang tabla at sa ngayon ang Big Chill at EA Regen ay nakatiyak na ng puwesto dahil bitbit nila ang dalawang nangungunang quotient na 1.1577 at 1.0030.
Ang Cagayan Valley ang nasa ikatlo sa .99122 at papasok sila kung matatalo ang Waves dahil ang tropa ni coach Lawrence Chongson ay magkakaroon lamang ng .9818 puntos at makakasama ang Gems na mamamaalam na.