Buwenamanong panalo sa semis dinagit ng Adamson at Ateneo
MANILA, Philippines - Hindi napigilan ang mataas na paglipad ng Ateneo Lady Eagles at Adamson Lady Falcons para manalo sa kanilang mga katunggali at hawakan ang krusyal na 1-0 kalamangan sa pagbubukas ng Shakey’s V-League Season 10 First Conference semifinals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sinandalan ng nagdedepensang kampeon na Lady Eagles ang bagong puwersa na sina Alyssa Valdez at Thai import Jeng Bualee para makumpleto ang pagbangon mula sa pagkatalo sa first set tungo sa 20-25, 25-15, 29-27, 25-14 tagumpay sa UST.
May 25 hits si Valdez habang 19 ang ibinigay ni Bualee sa bagong team at nakontento lamang na maging panuporta matapos maging leading scorer ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Hinawakan ng Lady Eagles ang kalamangan sa attack points laban sa Lady Tigresses, 57-53 at mayroon pang 9-4 kalamangan sa blocks at sina Valdez at Bualee ay nagsanib sa 34 attack points at 7 blocks.
May 14 hits, mula sa 12 kills at 2 service aces, si Carmela Tunay para sa UST na nagkalat sa laro dahil sa tinamong 28 errors.
May 28 hits si Angela Benting at ang natatanging service ace sa laro ay ginawa matapos basagin ni Pau Soriano ang huling tabla sa 13-all na nagresulta sa 22-25, 25-18, 25-19, 22-25, 15-13, tagumpay sa kinapos na National University.
Ito ang unang kabiguan ng Lady Bulldogs matapos ang anim na laro at lumabas ang kakulangan sa karanasan nang mawala ang 9-4 kalamangan.
- Latest