Title series ng Gin Kings at Aces sisimulan bukas

MANILA, Philippines - Maghaharap para sa ko­rona ng 2013 PBA Com­missioner’s Cup ang Alas­ka at Barangay Ginebra San Miguel.

Magsisimula ang best-of-five championship series bukas sa ganap na alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang kauna-una­hang best-of-5 Finals sa PBA sa nakaraang wa­long taon o mula nang nag­laban para sa 2004 Fies­ta Conference ang Gi­nebra at Red Bull na na­panalunan ng una, 3-1.

Pero ang paghaharap na ito ng Aces at Gin Kings ang kanilang una sa PBA Finals sa nakaraang 16 taon o sapul nang ta­lunin ng Gordon’s Gin ang Alaska, 4-2, sa best-of-seven title series noong 1997 Commissioner’s Cup, ang huling kampeo­nato ng prangkisa mula kay Sonny Jaworski.

Sa kabuuan, ito ang pang-apat na beses na mag­haharap sa PBA Fi­nals ang Aces at ang Gin Kings na naglaban din pa­­ra sa korona noong 1996 Go­vernors Cup at 1991 Third Conference.

Hangad naman nina head coaches Luigi Trillo ng Alaska at Alfrancis Chua ng Barangay Ginebra ang kanilang unang kam­peonato sa PBA.

Sa nakaraang walong seasons sa liga ay dala­wang head coaches lamang ang nanalo ng ka­nilang unang PBA title.

Ito ay sina Boyet Fernandez para sa Sta. Lucia no­ong 2007-08 Philippine Cup at Ato Agustin ng Petron Blaze noong 2011 Governors Cup.

Samantala, hinirang naman si LA Tenorio ng Ginebra bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.

Sa dalawang sunod na panalo ng Gin Kings kon­tra sa Talk ‘N Text Tro­pang Texters, nagtala si Tenorio ng mga averages na 22.0 points, 7.0 rebounds at 6.5 assists para tapusin ang kanilang best-of-five semis duel sa 3-2.

Ipinoste ng 28-anyos na dating Ate­neo Blue Eagle ang naturang mga nu­mero bagama’t may sumasakit na kanang siko at lagnat.

 

Show comments