Hindi USADA kundi VADA ang gagamitin sa drug testing ng Pacquiao-Rios fight

MANILA, Philippines - Taliwas sa naunang pahayag ni Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Manny Pacquiao, ang Voluntary Anti-Doping Association (VADA) ang siyang kukunin ng Top Rank Promotions para magsagawa ng random drug testing sa Filipino boxing superstar at kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios.

“We’re going to use VADA. To me, we’ve had experience now in two fights with VADA, and they’ve conducted themselves extremely well,” wika kahapon ni Bob Arum ng Top Rank sa pa-nayam ng The Ring.

Kamakailan ay inihayag ni Koncz na ang United State Anti-Doping Agency (USADA) ang siyang magsasagawa ng random drug testing kina Pacquiao at Rios para sa kanilang non-title, welterweight fight sa Nobyembre 24 (Nobyembre 23 sa US) sa The Venetian Hotel sa Macau, China.

Sinabi ni Arum na wala siyang naririnig na reklamo hinggil sa pamamahala ng VADA sa mga random drug testing.

“The fighters who have participated have nothing but praise for the way that it was handled. I’m going with the organization that I have a track record with rather than an organization that I have never used,” wika ni Arum sa VADA.

Ayon kay Koncz, gusto lamang nilang ipakita sa publiko na walang ginagamit na performance-enhancing drugs (PEDs) ang 34-anyos na si Pacquiao sa pagsagupa sa 27-anyos na si Rios.

Nasa kampo ni Rios ang kontrobersyal na strength and conditioning coach na si Angel Heredia, gumabay kay Juan Manuel Marquez nang pabagsakin ng Mexican si Pacquiao sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre 8, 2012.

Pinaratangan ni chief trainer Freddie Roach ang 39-anyos na si Marquez na gumamit ng steroids, isa sa mga PEDs, kaya ito lumakas at naging maskulado.

Ayon kay Marquez, hindi siya gumagamit ng PEDs at ang kanyang paglobo ay resulta ng matiyaga at mahaba niyang pagsasanay sa ilalim nina Heredia at Mexican trainer Ignacio ‘Nacho’ Beristain.

Show comments