MANILA, Philippines - Ika-15 sunod na panalo ang nakaumang sa San Miguel Beer sa muling pagharap sa Sports Rev Thailand Slammers sa ASEAN Basketball League (ABL) ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa ganap na ika-4 ng hapon magsisimula ang labanan at nais ng Beermen na maduplika ang 78-61 panalo sa Slammers na naitala noong nakaraang Huwebes sa nasabing venue.
Kahit selyado na ang number one spot, pupukpok pa rin ang tropa ni coach Leo Austria para sa mahalagang momentum patungo sa playoff.
Samantala, sa semifinals na makakapaglaro ang mahusay na Fil-Am pointguard Chris Banchero. Ayon kay Austria, patuloy ang paghilom ng injured left quadriceps tendon ngunit hindi pa ito nakikipag-ensayo sa koponan.
“Nasa 70% na ang paghilom ng kanyang injury. Mga two weeks pa at ready na siya kaya sa semifinals na siya makakabalik,†wika ni Austria.
Hindi naman napilay ang Beermen sa pagkawala ni Banchero dahil sa magandang ipinakikita ng mga guards na sina Jeric Fortuna at Paolo Hubalde.
Sina Brian Williams, Justin Williams, Asi Taulava, Leo Avenido, JR Cawaling at Val Acuna ang iba pang manlalaro na dapat na kuminang para lumapit ang Beermen sa isang panalo para tapusin ang eliminasyon bitbit ang 16 sunod na panalo.
Si Christien Charles na gumawa ng 28 puntos, 11 rebounds at 5 blocks sa huling laro ang kakamada sa Slammers pero kaila-ngan niya ng suporta mula sa ibang kasamahan sa pangunguna ni Froilan Baguion na bagamat may 9 assists at 6 steals ay nalimitahan lamang sa anim na puntos at may anim pang errors noong Miyerkules.
Kailangan ng Slammers ng panalo dahil nakikipagtagisan sila sa Singapore para sa ikaapat at huling puwesto na aabante sa semifinals.