MANILA, Philippines - Habang makakabuti sa Philippine Sports Commission ang pagtitipid, nagbabala naman si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero sa sports agency sa masamang idudulot nito.
Ayon kay Escudero, may sapat na pondo naman ang PSC para sa epektibong kampanya ng mga atleta para sa Olympic Games sa 2016.
‘Why?’ tanong ni Escudero sa desisyon ng PSC na pagsanayin na lamang ang mga Filipino athletes sa Pilipinas kahit na maaaring maghirap sa medalya sa darating na Southeast Asian Games sa Myanmar.
Binawasan ng Myanmar ang mga events sa 2013 SEA Games kung saan mahina sila t dinagdagan ang events kung saan may tsansa silang manalo na inaasahan namang magbababa sa estado ng Pilipinas sa medal standings.
Inamin ng PSC na nakatipid sila ng P500 milyon at ang P30 milyon dito ay nakalaan para sa paglahok ng mga atleta sa Myanmar SEA Games.
Ngunit kamakailan ay binawalan ng PSC ang pagsasanay ng mga Filipino athletes sa ibang bansa.
Ang kapalit nito ay ang pagkuha ng PSC ng mga foreign coaches na magsasanay sa mga atleta dito sa bansa.