MANILA, Philippines - Nagmintis ng isang potential game-winner sa pagtatapos ng regulation si RJ Jazul pero bumawi naman ito sa simula ng overtime sa kanyang three-point play at three-pointer para pangunahan ang 89-82 panalo ng Alaska sa San Mig Coffee kagabi sa harap ng all-time record crowd na 23,108 sa Cebuana Lhuillier playoffs ng PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ang anim na puntos na iyon ni Jazul ang kanyang mga tanging puntos sa laro para sa Aces na lumamang ng 2-1 sa kanilang best-of-five semifinal laban sa Mixers pagkatapos ng pangalawang sunod na panalo sa serye.
Aambisyunin ng Alaska ang kanilang unang PBA finals appearance sa loob ng nakaraang walong conferences o mula noong 2010 Fiesta Conference sa Game 4 na nakatakda sa Sabado sa parehong venue.
“RJ stepped up, he was gutsy and he played huge,†pahayag ni Alaska head coach Luigi Trillo tungkol sa kanyang back-up point guard na nag-take charge ng maayos pagkatapos ma-foul out si JVee Casio may 13.2 segundo na lamang ang natitira sa regulation.
Pero si rookie Calvin Abueva ang nanguna para sa Alaska sa kanyang 24 puntos, 10 rebounds at tatlong assists, 15 nito ay galing sa pangatlo at pang-apat na quarters kung saan kinumpleto ng Aces ang kanilang pagbabalik mula sa pagkabaon na umabot sa 16 puntos sa third quarter.
Nag-free throw split may 4.9 segundo na lamang sa regulation si San Mig Coffee import Denzel Bowles para sa 80-all na sinundan ng mintis sa isang tutok na lay-up sa buzzer ni Jazul sanhi ng overtime.
Bago iyon ay kinumpleto ni Sonny Thoss ang isang three-point play may 13.9 segundo na lamang sa quarter mula sa isang pasa ni Casio para bigyan ang Alaska ng isang 80-79 na bentahe.