Nakatikim uli ng panalo ang kabayong Botbo

MANILA, Philippines -  Nakatikim din uli ng panalo ang kabayong Botbo nang higitan ang pagiging tersera liyamado sa anim na naglaban nang dominahin ang karerang nilahukan noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si Jonathan Hernandez  ang sumakay sa kabayo sa ikatlong sunod na takbo at hindi naman napahiya ang class A jockey para pawiin ang pang-apat at limang pagtatapos noong Abril 11 at 17.

Naghabol ang Botbo ng halos anim na dipa ang layo sa naunang lumamang na High Voltage ni Pat Dilema dahil nasa ikatlong pangkat ito nalagay sa alisan.

Pero sa rekta ay nakadikit na ang nasabing kabayo kasama  ng dehadong Sliotar at sa huling 75-metro ng 1,600-meter karera ay nasa unahan na hanggang sa nakontento sa dalawang dipang layo sa Sliotar na ginabayan ni NK Calingasan.

Ang Patron na hawak ni JPA Guce at paborito sa karera dahil sa magkasunod na panalo ay nauna lamang sa pagbukas ng aparato. Pero nang tumagal ang karera ay lumamya ang takbo ng tambalan at nakontento na lamang sa ikatlong puwesto sa datingan.

Pumalo pa sa P34.00 ang dibidendo sa win ng Botbo habang ang forecast na 4-1 ay nagpamahagi ng P295.50 dibidendo.

Pinakadehadong kabayo na nakapagpasikat sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ay ang Big Boy Vito na sakay ni  Rodeo Fernandez at kumarera sa 1,500-m distansya.

Hindi binitiwan ni Fernandez ang hawak sa balya para makumpleto ang banderang tapos na panalo.

Nagtangka ang Flying Honor ni Dominador Borbe Jr. na bigyan ng hamon ang Big Boy Vito pero pagpasok sa rekta ay umarangkada pa ito tungo sa halos apat na dipang panalo.

May lahing Key Apo at Regimental Lass, ang tatlong taong colt  na galing sa magkasunod na pang-apat na puwestong pagtatapos sa huling dalawang karera ay naghatid ng P70.50 dibidendo sa mga nanalig sa kanyang kakayahan. Mas magandang P476.00 ang ibinigay ng 1-4 forecast.

 

Show comments